Daughters of Saint Paul

Nobyembre 7, 2024 – Huwebes ng Ika-31 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)

Ebanghelyo:  Lucas 15,1-10

Lumapit kay Hesus ang lahat ng kolektor ng buwis at mga makasalanan para makinig. Kaya nagbulung-bulungan ang mga Pariseo at mga guro ng Batas: “Tinatanggap niyan ang mga makasalanan at nakikisalo sa kanila.” Kaya sinabi ni Hesus ang talinhagang ito sa kanila: “Kung may sandaang tupa ang isa sa inyo at mawala ang isa sa mga ito, hindi baga niya iiwan ang siyamnapu’t siyam sa ilang para hanapin ang nawawala hanggang matagpuan niya ito? At pag natagpuan ito’y masaya niya itong pinapasan sa balikat, at pagdating sa bahay ay tatawagin niya ang mga kaibigan at mga kapitbahay at sasabihin sa kanila: ‘Matuwa kayong kasama ko sapagkat natagpuan ko na ang nawawala kong tupa.’ Sinasabi ko sa inyo: magkakaroon din ng higit na kagalakan sa Langit para sa isang makasalanang nagsisisi kaysa siyamnapu’t siyam na matuwid na di nangangailangan ng pagsisisi. Kung may sampung baryang pilak ang isang babae at nawala ang isa sa mga ito, hindi ba siya magsisindi ng ilaw, magwawalis sa bahay at hahanaping mabuti hanggang matagpuan ito? At pagkakita rito’y tatawagin ang mga kaibigang babae at mga kapitbahay: ‘Matuwa kayong kasama ko sapagkat natagpuan ko ang nawawala kong baryang pilak.’ Sinasabi ko sa inyo na ganito rin sa mga anghel ng Diyos, magkakaroon ng kagalakan para sa isang makasalanang nagsisisi.”

Pagninilay:

Noong bata pa ako, isa sa mga bilin sa akin ng aking Mama ay pakaingatan ang bawat barya, lalo na kapag namamasahe sa jeep. Ika niya, huwag sana akong madapa at mahulugan ng kahit isang piso para sakto pa rin ang pambayad. Sa awa ng Diyos, hindi naman ako nadapa, pero natutunan ko doon ang kahalagahan ng bawat piso. Sabi nga, hindi ka makakabuo ng sanlibo kung kulang ka ng piso. Ganyan ang halaga ng bawat pisong barya.

Sa paningin ng mga Pariseo at mga eskriba, walang kwenta ang mga makasalanan, tulad ng mga publikano at mga maniningil ng buwis. Sa paningin naman ni Hesus, lahat sila – lalo na ang mga makasalanan – ay mahalaga’t minamahal niya. Marahil ay kabaliwan ang iwan ang pitakang puno ng pera para sa nag-iisang baryang nawawala. Kabaliwan din marahil ang iwan ang 99 na tupa para hanapin ang nag-iisang tupang nawawala. Kabaliwan ito, hangga’t maunawaan natin na tayo pala ang nag-iisang baryang nawawala at nag-iisang tupang naliligaw ng landas.

Mga kapanalig, ganito kabaliw magmahal ang Diyos sa atin! Hindi siya titigil sa paghahanap hanggang sa tayo ay Kanyang muling makita para mahagka’t mayakap. Hindi na bale kung anuman ang pagkakamaling nagawa; ang mahalaga ay magpahanap, magpayakap, at magpaakay tungo sa Amang laging naghihintay.