Nang marinig ni Jesus ang pagkamatay ni Juan Bautista, lumayo siya at namangka na sila-sila lang patungo sa ilang na lugar. Ngunit nalaman ito ng mga tao at sumunod sila sa kanya na naglalakad mula sa kanilang mga bayan. Pagdating ni Jesus sa pampang, nakita niya ang maraming taong nagkakatipon doon at naawa siya sa kanila. At pinagaling niya ang mga maysakit. Nang hapon na, lumapit sa kanya ang mga alagad at sinabi: "Nasa ilang na lugar tayo at lampas na ang oras. Paalisin mo na ang maraming taong ito para makapunta sila sa mga nayon at makabili ng kani-kanilang pagkain." Ngunit sumagot si Jesus: "Hindi na nila kailangang umalis pa; kayo ang magbigay sa kanila ng makakain." Sinabi nila: "Wala kami rito kundi limang tinapay at dalawang isda." Sinabi niya: "Akin na." At iniutos niyang maupo sa damuhan ang makapal na tao. Kinuha niya ang limang tinapay at dalawang isda, tumingala sa Langit, nagpuri, hinati ang mga tinapay at ibinigay sa kanyang mga alagad; at ibinigay rin nila sa mga tao. At kumain silang lahat at nabusog, at inipon nila ang mga natirang pira-pira-labindalawang punong basket. Mga limanlibong lalaki ang napakain bukod pa sa mga babae at mga bata.
PAGNINILAY
Sa Ebanghelyong ating narinig, marahil itatanong natin – ano ba talaga ang nangyari, bakit dumami at sumobra pa ang inaakalang kulang na isda at tinapay? Hinawakan lang ni Jesus ang konting pagkain at matapos magpasalamat, Kanya nang ibinahagi sa mga alagad upang sila naman ang magbahagi sa ibang tao. Simple, pero makahulugan ang ginawa ni Jesus. Maaari nating isipin na anumang maliit o konti na inilalagay natin sa kamay ng Diyos, tiyak na dadami. Kahit na konting biyaya ang ibinahagi natin sa ngalan ng Diyos, ibinahagi natin ito sa ngalan ng pagmamahal; at anumang ibinahagi sa ngalan ng pagmamahal tunay na pinagpapala. Mga kapatid, anu-ano bang mga biyaya ang tinatanggap mo sa Panginoon araw-araw? Naibabahagi mo ba ito sa iyong kasambahay at sa kapwa? Ang mga biyayang tinanggap natin, mga pagpapalang nagmumula sa Diyos. Oo nagsikap tayo at ginawa ang lahat para makamit ang biyayang ito – pero kung hindi rin ipapahintulot ng Panginoon, anumang pagsisikap natin, mauuwi din sa wala. Kaya sana, sa tuwing binibiyayaan tayo ng Panginoon, mapuspos ng pasasalamat at kagalakan ang ating puso, at papurihan Siya sa pamamagitan ng pagtulong sa kapwang nangangailangan.