Daughters of Saint Paul

Nobyembre 10, 2024 | Ika-32 Linggo sa Karaniwang Panahon (B)

Ebanghelyo: MARCOS 12:41-44

Sinabi ni Hesus sa kanyang pagtuturo: “Mag-ingat kayo sa mga guro ng Batas na gustong lumakad na nakabarong at batiin ng mga tao sa liwasan, at mabigyan ng pangunahing lugar o upuan sa mga handaan at sa sinagoga. Nang-uubos sila ng mga bahay ng mga biyuda, at nagdarasal nang mahaba para may idahilan. Napakatindi ng magiging hatol sa mga ito.” Naupo si Hesus sa tapat ng kabang-yaman at tiningnan ang paghuhulog ng mga tao ng pera para sa Templo. At may dumating na isang pobreng biyuda nang maghulog ng dalawang barya. Kaya tinawag ni Hesus ang kanyang mga alagad at sinabi sa kanila: “Talagang sinasabi ko sa inyo na pinakamahalaga sa lahat ang inihulog ng biyudang ito sa kabang-yaman. Naghulog nga ang lahat mula sa sobra nila ngunit siya nama’y mula sa kanyang kasalatan. Inihulog nga niya ang lahat ng nasa kanya—ang mismong buhay niya.

Pagninilay:

The best ba o yung sobra lang ang binibigay natin sa Diyos?

          Naalala ko noong naghikayat ang aming parokya sa mga tao na mag-donate o magbigay kung ano pwede nilang maibigay para sa mga nasalanta ng bagyo at nasunugan ng bahay. Biglang naisip ko na may mga luma pala akong damit sa aking cabinet. Medyo kupas na at may mga butas nang kaunti pero, pwede pa ‘yun. Kaya lahat ng sobra ko lang na damit ang inilagay ko sa box at ibinigay ko sa parokya. Pero napagtanto ko na hindi pala ako nagbigay ng donasyon para sa ating mga kapatid na nasalanta ng bagyo at nasunugan. Ang nangyari ay naghanap lang pala ako ng pwedeng matapunan ng aking sobra-sobra.

           Mga kapatid, ilan kaya sa atin ang ganyan kung magbigay sa Diyos? ‘Yun lang kanilang mga sobra, pero hindi ‘yung the best.

          Sa ating Mabuting Balita, pinapaalalahanan tayo ng isang pobreng biyuda na magbigay tayo sa Diyos ng ‘yung best natin. Ang dalawang barya na inihulog niya sa templo ay sumisimbolo ng kanyang buhay. Ibinigay ng pobreng byuda ang lahat sa Dios. Sa panahon ni Hesus hindi pwedeng magtrabaho ang babae; nakadepende lamang siya sa kanyang asawa. Kaya naman kung namatay na ang kanyang asawa, talagang nakadepende siya sa awa ng iba. Hindi kagaya ng mga mayaman na naghulog sa templo na sobra sobra lamang ng kanilang ibinigay. Kaya naman sinabi ni Hesus: ”Talagang sinasabi ko sa inyo na pinakamahalaga sa lahat ang inihulog ng biyudang ito sa kabang-yaman. Naghulog nga ang lahat mula sa sobra nila, ngunit siya nama’y mula sa kanyang kasalatan. Inihulog nga niya ang lahat ng nasa kanya – ang mismong ikabubuhay niya.”

          Mga kapatid/kapanalig, sa katunayan wala naman talaga tayong maibibigay sa Diyos. Lahat ng bagay dito sa mundo ay nagmula pa rin sa Diyos mismo: ang ating mga talino, talento, lakas, paggawa ng mabuti at ang atin mismong pananampalataya sa kanya. Ang gusto ng Diyos ay ibigay natin ang ating sarili sa kanya, lalo na ang ating kawalan. Maaring pwede tayo magbigay ng limpak-limpak na salapi sa mga charity organizations pero ang gusto ng Diyos mismo ay ang ating mga buhay. Mas gusto ng Diyos na hindi lang tayo ang nagbibigay kundi tayo mismo ang nagsisilbi. Tandaan natin ang ibinigay sa atin ng Diyos ay di lang sobra-sobra kundi ang best niya. Ibinigay niya ang kanyang sarili sa katauhan ng ating Panginoong Hesukristo kaya marapat lang na ibigay din natin ang best para sa kanya at hindi lang yung sobra sobra.