Daughters of Saint Paul

Nobyembre 11, 2024 – Lunes | Paggunita kay San Martin ng Tours, obispo

Ebanghelyo: LUCAS 17,1-6

Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Hindi maaaring walang katitisuran at magpapabagsak sa taong naghahatid nito! Mas makabubuti pa sa kanya na talian ng gilingang-bato sa leeg at ihagis sa dagat kaysa tisurin at pabagsakin ang isa sa maliliit na ito. Mag-ingat kayo. Kung magkasala ang kapatid mo, pagsabihan mo siya, at kung magsisi’y patawarin mo. At kung pitong beses siyang magkasala sa iyo sa isang araw at pitong beses din siyang bumalik sa iyo na nagsisisi, patawarin mo siya.” Sinabi ng mga apostol sa Panginoon: “Dagdagan mo ang aming pananampalataya.” Sumagot ang Panginoon: “Kung may pananampalataya kayong sinlaki ng buto ng mustasa, masasabi ninyo sa punong malaigos na iyan: ‘Mabunot ka at sa dagat matanim,’ At susundin kayo nito.

Pagninilay:

Nagbahagi po si Sr. Teresita De Lara ng Daughters of St. Paul sa ating pagninilay.

Isang araw, papunta si Anita sa palengke para mamili. Nakita niya ang isang batang may kapansanan na karga ng isang teenager na lalaki. Sinabihan nito ang bata, “Mag-ingat ka. Huwag mabigat ang kamay kapag kinuha mo ang wallet ng babaeng sinusundan natin.”  Narinig ito ni Anita at nagulat siya. Tinuturuan pala ni kuya ang kanyang batang kapatid na mandukot. Naisip ni Anita: “Paano kaya ipinapaliwanag ng kuya sa kapatid niya na okay lang ang mandukot? At ano naman ang dapat gawin niya para ipaalam sa binatilyo na laging mali ang magnakaw?” Kapanalig, kung ikaw si Anita, ano ang gagawin mo?

Maganda ang halimbawang iniwan ng santo sa araw na ito, si San Martin ng Tours. Noong si Martin ay isang sundalo, nakasakay siya sa kabayo papasok sa isang lungsod. Nakasalubong niya ang isang pulubi na halos walang damit. Nanginginig ang pulubi dahil sa lamig ng panahon. Kinuha ni Martin ang kanyang balabal at hinati ito. Ibinigay niya ang kalahati sa pulubi at isinuot niya ang kalahati. Nang gabing iyon, nanaginip si Martin at nakita niya ang Panginoong Hesus na suot ang kalahati ng balabal na ibinigay niya sa pulubi. Narinig niyang sinabi ng Panginoon sa mga anghel: Ibinigay ito sa akin ni Martin. Pag-gising niya, natagpuan niyang buo nang muli ang kanyang balabal.

Manalangin tayo: Panginoon, turuan nawa ng mga magulang ang kanilang mga anak kung ano ang pag-uugaling nakalulugod sa iyo. Huwag nawa kaming maging sanhi ng pagkakasala, bagkus ay maisabuhay namin ang Dakilang Utos ng pagmamahal sa Diyos at sa kapwa. Amen.