Pagninilay:
Nagbakasyon ako sa Bicol noong Setyembre upang makadalo sa ika-100 taong anibersaryo ng pagkorona kay Ina, Our Lady of Peñafrancia. Si Papal Nuncio ang nagmisa at sobrang dami ng tao. Kahit sa labas ng simbahan idinaos ang misa, hindi pa rin mahulugang karayom ang lugar, at nakatayo lamang ang karamihan. Sa paligid ng altar, merong mga upuan para sa mga pari, mga relihiyoso at relihiyosa, mga piling panauhin at representatives ng mga organisasyon ng Simbahan. Isa ako sa mga pinalad na mabigyan ng ticket upang makaupo subalit pagdating ko halos wala na akong makitang bakanteng upuan. Tinanong ko ang isang madre kung saan ang upuan ng aking ticket number. Sabi sa akin, “walang ganyan. First come, first serve.” Maya-maya, may lumapit na seminarista sa akin at hinihingi ang ticket ko. Sabi ko, “hanapan mo muna ako ng upuan”. Buti na lang nahanapan na pala ako ng upuan ng madreng kasama ko. Nang nakaupo na ako at nagmumuni-muni, napagtanto ko na umandar ang aking sense of entitlement. Kaya ayaw kong ibigay agad ang ticket ko kasi I am entitled to a seat. Paupuin mo muna ako bago mo kunin ang ticket ko.
Kapanalig, isang problema sa ating simbahan ang sense of entitlement. Dahil naglilingkod sa simbahan, benefactor ni father, o malaki ang donasyon sa simbahan, sobra kung magdemand ng special privilege. Tinuturuan tayo ni Hesus sa ating Mabuting Balita ngayon na maging mapagpakumbaba. Ipinakita ni Hesus sa kanyang pamumuhay kung paano alisin ang sense of entitlement upang higit na makipamuhay at maglingkod sa atin. Tayo ay pawang mga lingkod na ginawa lamang ang iniutos sa atin.