Daughters of Saint Paul

Nobyembre 16, 2024 – Sabado ng Ika-32 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)

Ebanghelyo:  Lc 18:1-8

“Dapat laging manalangin at huwag masiraan ng loob”—ito ang sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad sa isang talinhaga. Sinabi niya: “Sa isang lunsod, may isang hukom na walang takot sa Diyos at walang pakialam sa mga tao. May isa ring biyuda sa lunsod na iyon na madalas pumunta sa kanya at sinasabi: ‘Igawad mo sa akin ang katarungan laban sa aking kalaban.’ Matagal siyang umayaw pero naisip niya pagkatapos: ‘Wala man akong takot sa Diyos at walang pakialam sa tao, igagawad ko pa rin ang katarungan sa biyudang ito na bumubuwisit sa akin at baka masiraan pa ako ng ulo sa pagpunta-punta niya.’” Kaya idinagdag ng Panginoon: “Pakinggan ninyo ang sinabi ng di matuwid na hukom. Hindi ba’t igagawad ng Diyos ang katarungan sa kanyang mga hinirang na araw-gabing tumatawag sa kanya? Pababayaan ba niya sila? Sinasabi ko sa inyo, agad niyang igagawad sa kanila ang katarungan. Ngunit pagdating ng Anak ng Tao, makakakita kaya siya ng pananampalataya sa lupa?”

Pagninilay:

Minsan, tinanong ako ng isang Nanay na mahigit dalawampung taon nang nag-aalaga sa kanyang anak na may kapansanan sa pag-iisip. “Sister, pinapakinggan ba ng Panginoon ang mga panalangin ko?” Nabigla ako sa tanong niya. Ramdam ko ang bigat ng kanyang pinagdaraanan lalo na’t malayo ang kanyang asawa at may mga pamilya na rin ang iba niyang mga anak. Napadasal ako, “Panginoon, sagutin mo po ang tanong niya.”

Kadalasan, hindi tayo aware na sinagot na ng Panginoon ang ating mga panalangin. Wala naman talagang panalanging hindi pinapakinggan, sinasagot at bini-bless ng Panginoon. Pero, bakit hindi natin napapapansin ito? Sapagkat ang ini-expect nating tugon ng Panginoon ay ‘yung ayon sa kalooban natin, at hindi ayon sa kalooban Niya. Kaya napakadali nating mag-conclude, “Ay, hindi naman sinasagot ni Lord ang prayers ko.”

Lingid sa ating kaalaman, sinasagot ng Panginoon ang mga panalangin natin sa paraang pinakamabuti para sa atin. Kasi, walang ibang ninanais ang Panginoon kundi ang tayo’y mapabuti at mapuno ng kanyang biyaya. Maraming mga bagay sa buhay na hindi natin maunawaan; ngunit hindi nagsasawa ang Panginoon na pakinggan lahat ng ating mga hinaing, at samahan tayo sa ating paglalakbay. Manalig nawa tayo sa katotohanang ito upang lakas-loob nating tahakin ang landas na ipinagkaloob ng Panginoon. Kaya, kapit lang, kapanalig!