Daughters of Saint Paul

Nobyembre 17, 2024 – Ika-33 Linggo sa Karaniwang Panahon (B)

Ebanghelyo: Marcos 13:24-32

Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Sa panahong iyon, pagkatapos ng kagipitang ito, magdidilim ang araw, hindi na magbibigay ng liwanag ang buwan, malalaglag ang mga bituin mula sa Langit at magigimbal ang buong sanlibutan. At makikita nilang ‘dumarating sa mga ulap ang Anak ng Tao’ na may Kapangyarihan at ganap na Kaluwalhatian. Ipadadala niya ang mga anghel para tipunin ang mga pinili mula sa apat na sulok ng daigdig, mula sa silong ng Langit. Matuto sa aral ng puno ng igos: kapag malambot na ang mga sanga nito at lumilitaw na ang mga dahon, alam ninyo na malapit na ang tag-init. Gayundin naman, kapag napansin ninyo ang lahat ng ito, alamin ninyong malapit na, nasa may pintuan na. Talagang sinasabi ko sa inyo na hindi lilipas ang lahing ito at magaganap ang lahat ng ito. Lilipas ang Langit at lupa ngunit hindi lilipas ang aking mga salita. Ngunit walang nakaaalam sa oras at araw na iyon kahit na ang mga anghel sa Langit o ang Anak; ang Ama lamang ang nakakaalam.”

Pagninilay:

Ibinahagi po ni Fr. JK Maleficiar ng Society of St. Paul ang ating pagninilay.

Gusto mo rin ba ng kwentong may happy ending? Halos lahat tayo ay gustong makarinig, manood o magbasa ng “feel good” na kwento o ‘yung merong “happy ending”. Pero, ang ebanghelyo ngayong Linggo ay hindi “feel good”. Malayo sa happy ending kasi parang nananakot si Hesus. Ang laman kasi ng Kanyang mga salita ay parang katapusan na ng mundo. Pero hindi tayo tinatakot ng Panginoon, kapatid/kapanalig. Sa halip, sinasabi niya na kailangan tayong laging maging handa. Paalaala rin ito na hindi palaging “feel good” moments lamang ang buhay. Isang paglalakbay ang buhay at malaking bahagi nito ay walang katiyakan. Pero hindi dapat kinatatakutan ang mga panahong walang katiyakan. Sadyang ganito ang buhay. Maraming bagay ang lilipas. Maraming bagay ang maglalaho. Kaya, ang nararapat na paghahanda ay paigtingin ang ating pananampalataya. Manalig tayo sa katiyakan ng mga salita ng Panginoon sa ebanghelyo ngayon. Darating Siya sa kaluwalhatian at “masasaksihan ito ng lahat ng Kanyang mga pinili mula sa apat na sulok ng daigdig.” Kapatid/Kapanalig, tiyak ang “happy ending” sa ating buhay pananampalataya. Kasi ang Diyos natin ay hindi paasa, kundi Siya ang pag-asa. Amen.