Ebanghelyo: Mt 14:22-36
Matapos pakainin ang mga tao. Agad pinasakay ni Hesus sa bangka ang mga alagad at pinauna sa kabilang ibayo habang pinaaalis niya ang mga tao. At pagkaalis ng mga tao, mag-isa siyang pumunta sa kaburulan para manalangin. Nag-iisa siya roon nang gumabi. Samantala, malayo na sa lupa ang bangka, sinasalpok ng mga alon sapagkat pasalungat ang hangin. Nang madaling-araw na, pinuntahan sila ni Hesus na naglalakad sa dagat. Nang makita nila siyang naglalakad sa dagat, natakot sila, at akala nila’y multo siya. Kaya sumigaw sila. Ngunit agad niyang sinabi sa kanila: “Lakasan ang loob! Ako ito, huwag kayong matakot.” Sumagot si Pedro: “Panginoon, kung ikaw nga, papuntahin mo ako sa iyo na naglalakad sa tubig.” “Halika.” Bumaba naman sa bangka si Pedro at naglakad sa tubig papunta kay Hesus. Ngunit natakot siya sa harap ng malakas na hangin at lumulubog na. Kaya sumigaw siya: “Panginoon, iligtas mo ako!” Agad na iniunat ni Hesus ang kanyang kamay at hinawakan siya, at sinabi: “Taong kakaunti ang pananampalataya, bakit ka nag-aalinlangan?” Nang nakasakay na sila sa bangka, tumigil ang hangin. At yumuko sa harap ni Hesus ang mga nasa bangka at sinabi: “Totoo ngang ikaw ang Anak ng Diyos.
Pagninilay:
Nakagawian nating dumalaw sa puntod ng mga minamahal nating pumanaw tuwing Todos los Santos upang manalangin. Ganundin ang ginawa ng mga unang Kristiyano – pumunta rin sila sa libingan ng mga Apostol tulad ni San Pedro at San Pablo bilang pagpupugay at paghingi ng biyaya.
Kay San Pedro, ang mangingisda na itinalaga ng Panginoon bilang tagapamuno ng kanyang Simbahan. Ipinako siya nang patiwarik dahil hindi raw siya karapat-dapat na mamamatay tulad ng kanyang Panginoon.
Kay San Pablo na umusig sa mga tagasunod ni Kristo, ang nagpakalat ng Mabuting Balita sa buong mundo tungkol sa Panginoong muling nabuhay. Nakulong siya ngunit hindi tumigil sa pagpapalaganap ng Ebanghelyo hanggang siya’y pinugutan ng ulo.
Parehong naging martir sina Pedro at Pablo sa Roma, at ang kanilang mga libingan ay tinaguriang mga banal na lugar. Naglakbay mula sa iba’t ibang panig ng mundo ang mga Kristiyano upang manalangin sa kanilang mga puntod, hanggang sa magtayo ng simbahan doon.
Sa ngayon po, patuloy na naglalakbay ang mga mananampalataya upang manalangin at magbigay-pugay sa Basilica ni San Pedro at sa Basilica ni San Pablo sa Roma. Tulad ng dalawang haligi na sina San Pedro at San Pablo, sundin nawa natin ang sinabi ng Panginoon sa Mabuting Balita ngayon: “Huwag kayong matakot.” Lakas-loob nawa nating maisiwalat, sa ating salita at gawa, ang Mabuting Balita na kasama natin lagi si Kristo sa ating buhay sa anumang panahon. Amen.