Ebanghelyo: Lucas 19,1-10
Pumasok si Hesus sa Jerico at dumaan sa siyudad. At may isang taong nagngangalang Zakeo. Pinuno siya ng mga kolektor ng buwis at napakayaman. Sinikap niyang makita kung sino si Hesus pero pandak siya at hindi niya magawa dahil sa dami ng mga tao. Kaya patakbo siyang umuna at umakyat sa isang punong-malaigos para makita si Hesus pagdaan doon. Pagdating ni Hesus sa lugar na iyon, tumingala siya at sinabi sa kanya: “Zakeo, bumaba ka agad. Sa bahay mo nga ako dapat tumigil ngayon.” Nagmamadali siyang bumaba at tuwang-tuwang tinanggap si Hesus. Inireklamo naman sa isa’t isa ng lahat ng nakakita rito: “Sa bahay ng isang lalaking makasalanan siya nakituloy.” Ngunit tumayo si Zakeo at sinabi sa Panginoon: “Panginoon, ibibigay ko sa mga dukha ang kalahati ng aking mga ari-arian; at kung may nadaya ako, apat na beses ko siyang babayaran.” At sinasbi sa kanya ni Hesus: “Dumating ngayon ang kaligtasan sa sambahayang ito dahil anak nga ni Abraham ang taong ito. At dumating ang Anak ng Tao para hanapin at iligtas ang nawawala.”
Pagninilay:
Isang mayamang Hudyo si Zaqueo na may mataas na position sa lipunan. Ngunit kinamumuhian siya sapagkat isa siyang maniningil ng buwis, kaya’t itinuturing na makasalanan at taksil ng mga Judyo.
Na-imagine mo, isang matandang dapat igalang, umakyat ng puno para lang makita si Hesus. Hindi niya inintindi na pagtawanan siya. Mas importante na makita niya si Hesus. Bakit niya ninais na makita si Hesus? Sapagkat kahit nabubuhay siya sa luho at kayamanan, ramdam niya na may kulang pa rin. May kahungkagan sa kanyang puso na naghahanap ng kaganapan. At nadama niya na si Hesus ang sagot sa kanyang hinahanap.
Laking gulat ni Zaqueo nang tinawag siya ni Hesus. Nagkusa pa nga si Hesus na anyayahan ang kanyang Sarili sa kanyang tahanan. Inireklamo ito ng marami pero hindi sila pinansin ni Zaqueo. Ang mahalaga’y natagpuan na niya ang kanyang hinahanap at ito ang naging simula ng kanyang pagbabalik-loob.
Ikaw, kapanalig, mayroon ka rin bang hinahanap? May kulang ba sa puso mo at buhay? Sa iyong paghahanap, unang tatawag si Hesus at iimbitahin ang kanyang Sarili sa iyong buhay. Hindi niya titingnan ang iyong nakaraan. Titingnan niya ang pagnanais at kahandaan mong buksan ang iyong puso sa pagbabalik-loob, sa ganap na buhay, at sa kaligtasan. Kaya tara na at akyatin natin ang puno patungo kay Hesus!