Daughters of Saint Paul

Nobyembre 23, 2024 – Sabado ng Ika-33 Linggo sa Karaniwang Panahon (II) | Paggunita kay San Clemente I, papa at martir | Paggunita kay San Columbano, abad | Paggunita sa Mahal na Birheng Maria tuwing Sabado

Ebanghelyo:  Lucas 20:27-40

Lumapit ang ilang Sadduseo na mga taong tutol sa pagkabuhay. At itinanong nila kay Hesus: “Guro, isinulat ni Moises para sa amin: ‘Kung may magkakapatid na lalaki at mamatay na walang anak ang isa sa kanila, kailangang kunin ng kanyang kapatid ang kanyang asawa para magpasibol ng supling sa kanyang kapatid.’ Ngayon, may pitong magkakapatid na lalaki. Nag-asawa ang panganay at namatay na walang anak. Kinuha ng pangalawa ang biyuda, at pagkatapos ay ng pangatlo naman, pero hindi nagkaanak ang pito. Namatay sila at sa bandang huli’y namatay rin ang babae. Sa pagkabuhay, kanino sa pito siya maituturing na asawa? Ang pito nga ang umangkin sa kanya.” Sinagot sila ni Hesus: “nag-aasawa ang mga taong nasa daigdig na ito, lalaki man o babae. Ngunit hindi na mag-aasawa ang mga ituturing na karapat-dapat sa kabilang buhay at sa pagkabuhay ng mga patay, lalaki man o babae. Hindi na nga sila mamamatay. Kapantay na sila ng mga anghel at mga anak sila ng Diyos matapos silang ibangon. Tiyak na may pagkabuhay ng mga patay; ipinahiwatig ito kahit na Moises sa kabanata ng palumpong nang tawagin niyang Diyos ni Abraham, Diyos ni Isaac, at Diyos ni Jacob ang Panginoon. Hindi siya Diyos ng mga patay kundi ng mga buhay, at buhay na kasama niya silang lahat.” Nagsalita ang ilang guro ng Batas: “Guro, talaga ngang tama ang iyong sinabi.” Mula noo’y wala nang nangahas na magtanong pa sa kanya.

Pagninilay:

Naalala ko nang inilibing ang isang kapwa naming Daughters of St. Paul. Marami sa amin ang nalungkot noon at naiyak, lalo na ang pamilya at mga kaibigan ni Sister. Biglang nagsalita ang isang batang paslit. Sabi niya: “Bakit kayo umiiyak? Mabubuhay naman uli si Lola Madre, di ba?”

Oo nga naman. Di nga ba may pinanghahawakan na Katotohanan ang Kristiyanismo? – na si Hesus na namatay sa Krus ay muling nabuhay! Ang prinsipyo nga ng mga unang Kristiyano ay, kung mali sila sa paniniwala na muling nabuhay ang Panginoong Hesus , sila ang pinakamalungkot at lubos na kaawa-awa sa lahat ng nilikha. Sila ‘yung mga tumatangis na walang nakikitang pag-asa.

Bukas, sa paghiyaw natin ng “Viva Kristong Hari!” lumundag din tayo sa pagpupuri dahil pinalaya Niya tayo sa kaparusahan ng kasalanan at kamatayan.

Sinabi ng aming Founder na si Blessed James Alberione: “Isaalang-alang natin ang kaluwahatian ng ating katawan na tatamasahin sa kabilang buhay.” Ayon din sa kanya: “Huwag nating i-pamper ang ating katawan sa kahalayan, katakawan, at katamaran. Baka maagaw sa atin ang gantimpala ng walang hanggang buhay na marikit na nagniningning sa kaluwalhatian.”