Ebanghelyo: Juan 18:33-37
Muling pumasok si Pilato sa palasyo, tinawag si Hesus at sinabi sa kanya: “Ikaw ba ang hari ng mga Judio?” “Mula ba sa iyo ang salitang ito o may nagsabi sa iyo tungkol sa akin?” “Ako ba’y Judio? Ipinaubaya ka sa akin ng mga kalahi mo at ng mga punong-pari. Ano ba ang ginawa mo?” “Hindi sa mundong ito galing ang pagkahari ko. Kung sa mundong ito galing ang pagkahari ko, makikibaka sana ang mga tauhan ko upang hindi ako maipaubaya sa mga Judio. Hindi nga galing dito ang pagkahari ko.” “Kaya hari ka nga, hindi ba?” “Ikaw ang nagsasabing hari ako. Isinilang ako upang magpatunay sa katotohanan dahil dito kaya ako dumating sa mundo. At nakikinig sa aking tinig ang sinumang makatotohanan.”
Pagninilay:
Christus vincit! Christus regnat! Christus imperat! Nagwagi si Kristo, namumuno si Kristo, nag-aatas si Kristo. Maligayang Dakilang Kapistahan ng Kristong Hari! Sa araw na ito, nagbubunyi ang langit at lupa para kay Hesus! Sa pagwawakas ng Liturgical Calendar Year B, magandang pagnilayan: sa nakaraang mga araw, buwan at taon, si Hesus nga ba ang talagang hari ng ating puso at isipan. Nakikita ba ang kanyang paghahari sa ating gawa? Naririnig ba ang kanyang paghahari sa ating mga salita? Nararamdaman ba ang kanyang paghahari sa ating pakikipag-kapwa?
Madaling magbitaw ng mga mahalimuyak na salita tungkol sa pagsunod sa Diyos. Naalala ko tuloy ang kantang Sana’y Wala nang Wakas. Ang sabi, “Kahit na ilang tinik ay kaya kong tapakan / kung iyan ang paraan upang landas mo’y masundan. / Kahit ilang ulit ako’y iyong saktan, / Hindi kita maaring iwanan.” Weehhh… Hindi nga? Kaya ba talagang gawin ito sa pagsunod natin sa Panginoong Hesus?
Kapag tinatanong kung sino o ano ang number 1 priority sa buhay, madaling sabihin ang Diyos. Pero sa totoo lang, nangunguna pa rin para sa marami ang tatlong P—Palapak, Posisyon, at Pera! Hindi naman masama ang mga ito. Ang nagpapasama ay kung paano ito ginagamit. Itinatag at sinimulan ang Dakilang Kapistahan ng Kristong Hari noong 1925 sa pamumuno ni Pope Pius XI. Bilang tugon sa lumalaking impluwensya ng sekularismo at hindi paniniwala sa Diyos, itinuturo ng kapistahang ito ang pananalig kay Kristo at ang pagsunod sa kanyang mga atas. Paalala na rin na ang lahat ay lilipas; pero ang Diyos ay mananatili. Unti-unting lilipas at kukupas ang palakpak, posisyon at pera. Piliin sana natin ang Kristong Hari na mananatili, na laging tapat at mapagmahal. Mangyayari ito kung ating tatanggapin ang hamon ni Hesus, “Nakikinig sa aking tinig ang sinumang nasa katotohanan.”
Manalangin tayo. O Kristong aming Hari, turuan mo kaming lalong kumapit at huwag bumitaw sa iyo. Patawarin mo kami kapag higit naming pinipili ang posisyon, palakpak at pera upang ipagpalit sa iyo. O Kristong aming Hari, bigyan mo kami ng kababaang loob upang lalo kaming makinig at sumunod sa iyong mga atas. Alam mo ang totoong magpapasaya at makakabuti sa amin. Salamat po dahil sa kabila ng aming kahinaan ay patuloy mo kaming inaalagaan, binabantayan at hindi iniiwan. Amen.