Daughters of Saint Paul

Nobyembre 27, 2024 – Miyerkules ng Ika-34 o Huling Linggo sa Karaniwang Panahon (II)

Ebanghelyo: Lucas 21:12-19

Sinabi naman ni Hesus: “Bago sumapit ang lahat ng ito, dadakipin kayo at uusigin; ibibigay kayo sa mga sinagoga at dadalhin sa mga kulungan at ihaharap sa mga hari at mga gobernador dahil sa aking pangalan. Sasapit ito sa inyo para makapagpatotoo kayo sa akin. Isaisip n’yo na huwag ikabalisa ang pagtatanggol sa inyong sarili dahil ako mismo ang magbibigay sa inyo ng mga salita at karununganng hindi matatagalan o masasagot ng lahat ng inyong kaaway. Ipagkakanulo kayo ng inyong mga magulang, mga kapatid, mga kamag-anak at mga kaibigan, at papatayin nila ang ilan sa inyo. At kamumuhian kayo ng lahat dahil sa aking pangalan. Ngunit hindi maaano isa mang buhok sa inyong ulo. Sa inyong pagpapakatatag, ang mga sarili ninyo mismo ang inyong makakamit.”

Pagninilay:

“Pag-ibig, pag ‘nasok sa puso nino man, hahamakin ang lahat masunod ka lamang.”  Ito ang mga kataga ni Aladin sa kanyang minamahal na si Flerida sa salaysay ng “Florante at Laura.” Nakakatuwang isipin na kapag baliw sa pag-ibig ang isang tao, siya’y tila nagiging superhero na kayang gawin ang lahat: manungkit ng bituin, ibigay ang araw at buwan, at higit sa lahat, ang magtiis at magbata ng anumang hirap para sa minamahal. Samakatuwid, ang kahandaang magtiis at maghirap ang siyang nagpapatunay at nagpapatibay ng pagmamahal.

Hindi nananakot si Hesus sa tagpo sa Mabuting Balita ngayon. Sa katunayan, “realtalk” lang ito ng ating Panginoon sa kanyang mga tagasunod. Kung aalalahanin natin, ang kanyang batayan sa pagigigng tagasunod niya ay ang pagtalikod sa sarili at pagpasan ng krus. Kung ang Panginoong ating sinusundan ay ipinako sa krus, tiyak na may kanya-kanya rin tayong mga krus na papasanin at pagpapakuan. Ngunit kung ang pagmamahal kay Hesus ang ating prayoridad––kung tunay tayong “in love”––wala tayong hindi kakayaning pagsubok dahil pinapalakas tayo ni Hesus na unang nagmamahal sa atin. 

Mga kapanalig, ang tingin ba natin sa araw-araw na mga pagsubok ay pasakit lamang o pagkakataong makapagmalasakit? Kapag nakikita natin ang problema bilang pagkakataong lumago sa ating pakikipagkaibigan kay Hesus, hindi na ito nagiging pabigat kundi isang krus na tanda ng ating pagmamahal. Kaya naman sa tuwing nabibigatan na tayo sa ating mga pasanin, nawa’y bumaling tayo sa walang-hanggang pag-ibig ng Diyos: si Kristo Hesus na nakabayubay sa krus.