Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Nobyembre 29, 2024 – Biyernes ng Ika-34 o Huling Linggo sa Karaniwang Panahon (II)

Ebanghelyo:  Lucas 21:29-33

Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad ang isang talinhaga: “Tingnan ninyo ang punong-igos at ang ibang mga puno. Pagkakita ninyong nagdadahon na ang mga ito, alam ninyong malapit na ang tag-init. Gayundin naman, pag napansin ninyo ang mga ito, alamin ninyong malapit na ang paghahari ng Diyos. Talagang sinasabi ko sa inyo na hindi lilipas ang salinlahing ito at mangyayari ang lahat ng ito. Lilipas ang langit at lupa ngunit hindi lilipas ang aking salita.”

Pagninilay:

“Lilipas ang langit at ang lupa, ngunit ang aking mga salita ay hindi lilipas kailanman.” Ang mga salitang ito ng ating Panginoon ay parang isang matalim na tabak na may magkabilaang talas. Nagbibigay ito ng pag-asa sa mga nananampalataya, pero naghahatid ng takot sa mga nabubuhay sa maling akala.

Nanood ako sa Youtube kahapon ng “Most incredible flash floods captured on camera” at tunay na kahindik-hindik ito. Kinikilabutan ako habang pinanonood ang rumaraga-sang tubig habang gumuguho ang lahat nang madaanan nito. At captured on camera pa lang ito. Paano na yung hindi captured ng camera?

Kapanalig, sinasabi sa Banal na Kasulatan na may mga palatandaan ang muling pagbabalik ng Panginoon: mga digmaan, mga peste, kalamidad at trahedyang gawa ng tao o kalikasan, at paglaganap ng kasamaan. Alam nating lahat na ang mga palatandaang ito ay nagaganap na. Naalala ko nung kasagsagan ng COVID, marami ang nagsabing malapit na ang katapusan ng mundo. Milyun-milyong tao ang nangamatay dahil sa isang virus na di pa kilala ng siyensiya!  Wake-up call sa ating lahat ang pandemia ng COVID. Ganun din ang nakababahalang lagay ng ating mundo ngayon. Tinatawag tayo ng Panginoon na suriin ang mga palatandaan at maghanda.

Maraming prediksiyon kung kailan magugunaw ang mundo. Ang mga naniwala rito ay nag-imbak ng tubig, pagkain, kandila, flashlight, at iba pang mga gamit. Gumawa naman ang iba ng tinatawag na bunkers kung saan balak nilang sumilong pagdating ng oras. Ngunit mali ang lahat ng prediksiyon kaya’t nasayang ang kanilang paghahanda. Bakit? Dahil sabi ng Panginoong Hesus: ang Ama sa langit ang tanging nakakaalam ng takdang panahon. Tama ba ang ginawa nilang paghahanda? Tamang maghanda pero mali ang pamamaraan ng kanilang paghahanda.

 Kapanalig, ang hininiling ng Panginoon ay paghahanda ng puso at kalooban: pagbabalik-loob sa Diyos, pagsisisi sa ating mga kasalanan at pagbabagong-buhay. Wala kahit isa man sa atin ang nais niyang mawala. Siya ang mabuting pastol na iiwan ang 99 na tupa upang hanapin ang isang naliligaw. Hanggang may panahon pa, sundin natin ang mga habilin ng Panginoon. Huwag matakot ngunit maging laging handa! Tandaan natin: mahal tayo ng Diyos at gusto niyang makasama tayong sa langit.