Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: "Magbantay kayo sapagkat hindi n'yo alam ang araw ng pagdating ng inyong Panginoon. Isipin n'yo ito: Kung alam ng may-ari ng bahay kung anong oras ng gabi darating ang magnanakaw, magbabantay siya at hindi niya pababayaang pasukin ang bahay. Kaya maging handa kayo dahil sa oras na hindi n'yo inaasahan darating ang Anak ng Tao. Isipin n'yo ito: may tapat at matalinong katulong at sa kanya ipinagkatiwala ng kanyang amo ang sambayanan nito para bigyan sila ng pagkain sa tamang oras. Kung sa pagdating ng kanyang amo ay matagpuan siya nitong tumutupad sa kanyang tungkulin, mapalad ang katulong na ito. Talagang sinasabi ko sa inyo na ipagkakatiwala sa kanya ng amo ang lahat nitong pag-aari. Sa halip ay nag-iisip naman ang masamang katulong: 'Magtatagal ang aking Panginoon.' Kaya sinimulan niyang pagmalupitan ang mga katulong na kasama niya samantalang nakikipagkainan at nakikipag-inumang kasama ng mga lasing. Ngunit darating ang panginoon ng katulong na iyon sa oras na hindi niya inaasahan at sa panahong hindi niya alam. Palalayasin niya ang katulong na ito at pakikitunguhang gaya ng mga mapagkunwari. Doon nga may iyakan at pagngangalit ng ngipin."
PAGNINILAY
Mga kapatid, kung nanonood ka ng TV o kaya dumadaan sa kahabaan ng Edsa, mapapansin mong sunod-sunod at kabi-kabila ang mga produktong pampalinis ng katawan, pampaputi ng balat at pampabango ng amoy. Sadyang napakahalaga nga naman ang manatiling malinis ang katawan, upang makaiwas sa sakit at upang maging maganda sa paningin ng iba. Pero, panlabas lamang ang lahat ng mga ito. Subalit ilan ba sa atin ang gumugugol ng katakot-takot na panahon at pera para sa panlabas na pagpapaganda? Ang iba pa ngang may pera, nagpaparetoke ng mukha, nagpapa-liposuction ng taba, nagpapadagdag o nagpapabawas ng ilang bahagi ng katawan at kung anu-ano pang surgery ang dinadaanan -mapaganda lang ang hitsura at maging kaakit-akit sa mata ng ibang tao. Sila ang mga taong masasabi nating makitid ang pananaw sa buhay. Mga kapatid, sa mata ng Panginoon, mas mahalaga pa rin ang may malinis na kalooban. Dahil tanging ito lamang ang mananatili at madadala natin sa buhay na walang hanggan kasama ang Diyos. Ang panlabas nating kagandahan, kahit gaano pang pag-aalaga at pagsisikap nating panatilihin itong bata – kukulubot, tatanda at babalik din sa lupa kapag tayo'y namatay. Samantalang, kung mabuting kalooban ang sinikap nating lumago, sa pamamagitan ng mabubuting asal at gawa – hindi lang tayo maganda sa mata ng Diyos, tunay na maganda rin tayo sa mata ng lahat ng taong ating tinulungan at nagawan ng mabuti. Ito ang itinuturo ng Ebanghelyo ngayon. Kaya nga sinabi ni Jesus, na kaawa-awa naman ang mga eskriba at mga Pariseo dahil mas pinapahalagahan pa nila ang panlabas na anyo kaysa kanilang kalooban. Sa buhay mo ngayon kapatid, alin ba ang pinaggugugulan mo nang mas maraming panahon?