Daughters of Saint Paul

Agosto 31, 2016 MIYERKULES Ika-22 Linggo sa Karaniwang Panahon / San Raymundo Nonato

Pag-alis ni Jesus sa sinagoga, nagpunta siya sa bahay ni Simon. Inaapoy ang lagnat ang biyenang babae ni Simon. Kayat pinakiusapan nila siya tungkol sa kanya. Pagkayuko ni Jesus sa kanya, inutusan niya ang lagnat at nilisan siya nito. Kaagad siyang tumindig para maglingkod sa kanila.                                                

Paglubog ng araw, dinala naman sa kanya ng lahat ng tao ang kasama nilang mga may sakit ng iba’t ibang karamdaman. Ipinatong niya ang kanyang mga kamay sa bawat isa sa kanila at pinagaling sila. Lumabas ang mga demonyo mula sa maraming tao at pasigaw na sinabi ng mga ito: “Ikaw ang Anak ng Diyos!” Ngunit pinatatahimik niya sila at di pinahihintulutang magsalita dahil alam ng mga ito na siya ang Mesiyas.

Nang mag-uumaga na, lumabas si Jesus at pumunta sa isang ilang na lugar. Ngunit pinaghahanap siya ng maraming tao, at nang matagpuan siya’y sinikap nilang hadlangan na makaalis pa siya sa kanila. Pero sinabi niya sa kanila: “Dapat ko ring ipahayag ang Mabuting Balita ng paghahari ng Diyos sa iba pang mga bayan; ito ang dahilan kung bakit ako isinugo.” At nagpatuloy siyang mangaral sa mga sinagoga ng Judea.

PAGNINILAY

Sa Ebanghelyong ating narinig, makikita natin na magpahanggang takipsilim walang humpay sa pagpapagaling si Jesus. Nakakagulat din ang pagpapatotoong ginawa ng demonyo tungkol sa Kanyang pagka-Diyos. Kung tutuusin, walang mali sa sinabi ng demonyo tungkol sa Kanya.  Pero, Hindi ito pinahintulutan ni Jesus dahil ayaw niyang tularan natin ang lip service ng mga demonyo.  Hanggang salita lang kasi sila at sapilitan ang kanilang pagpapatotoo; hindi bunga nang pagmamahal sa Diyos.  Mga kapatid, kamustahin natin ang ating pananampalataya.  Pawang lip service lang din ba ang ating pananampalataya? O nakikita sa ating buhay na tunay nga tayong may pagmamahal sa Diyos?  Ang pagpakita natin ng malasakit sa mga maysakit, ang pagtulong sa mga dukha, ang pag-aliw sa mga nalulungkot, at pagbigay liwanag sa mga naguguluhan – ito’y ilan lamang paraan ng pagsabuhay ng ating pananampalataya.  Kung magiging mulat lamang tayo sa mga tao sa paligid natin, maraming naghihintay sa ating tulong, maging sa loob ng ating pamilya, komunidad o pinagtatrabahuhan. Tulad ng Panginoon, maging sensitibo sana tayo sa mga kapatid nating nangangailangan ng tulong.  Dahil ang pananampalataya, hindi lamang pagdarasal ng “Sumasampalataya ako,” kundi kailangang makita ito sa buhay.  Ika nga sa sulat ni Santiago, Faith without works is dead.  Hilingin natin sa Panginoon ang biyayang lumago pa sa pagsabuhay ng ating pananampalataya.