Daughters of Saint Paul

Disyembre 3, 2024 – Martes | Paggunita kay San Francisco Javier, pari

Ebanghelyo: Lucas 10,21-24

Nag-umapaw sa galak sa Espiritu Santo si Hesus at sinabi niya: “Pinupuri kita, Ama, Panginoon ng langit at lupa, dahil inilihim mo ang mga bagay na ito sa mga marurunong at matatalino, at ipinamulat mo naman sa maliliit. Oo, Ama, naging kalugud- lugod ito sa iyo. Ipinagkatiwala sa akin ng aking Ama ang lahat. Walang nakakakilala kung sino ang Anak kundi ang Ama, kung sino ang Ama kundi ang Anak at sinumang gustuhing pagbunyagan ng Anak.” Pagkatapos ay bumaling si Hesus sa mga alagad at sinabi sa kanila nang sarilinan: “Mapalad ang mga matang nakakakita ng inyong nakikita. Sinasabi ko sa inyo na maraming propeta at hari ang nagnais makita ang inyong nakikita pero hindi nila nakita, at marinig ang inyong naririnig pero hindi nila narinig.

Pagninilay:

Kapanalig, nakita mo rin ba sa social media yung mga post tungkol sa mga batang anak-mahirap subalit nagsisikap mag-aral? Gaya nung batang nagtitiis magbaon ng puro kanin lang at walang ulam? O yung batang gabi-gabing nag-aaral sa ilalim ng poste ng ilaw sa tabi ng kalsada dahil walang kuryente sa kanilang bahay? Sa kanilang kawalan, nakita nila ang halaga ng pag-aaral upang makaahon sa kahirapan. Samantalang yung ibang bata, na kumpleto ang pangangailangan sa pag-aaral, ay walang interes mag-aral, mahilig magbulakbol at minsa’y niloloko pa ang magulang.
Sa ating Mabuting Balita ngayon, tinawag ni Jesus na mapapalad ang kanyang mga alagad dahil nasaksihan nila ang pagpapala ng Diyos sa pamamagitan Niya. Hinangad siyang makita at marinig ng mga hari at propeta subalit hindi nila siya nakita at narinig. Kapanalig, mapapalad din tayong nabubuhay sa kasalukuyan. Sa biyaya ng pananam-palataya nakikita natin at nauunawaan ang paggalaw ng Diyos sa ating buhay. Si Jesus ay maari nating makapiling anumang oras, lalo na kung dadalawin natin sya sa mga Adoration Chapels, magsisimba at tatanggap ng komunyon. Pero ilan ba sa atin ang laging nananabik makapiling si Jesus? Baka gaya rin tayo ng mga batang walang pagpapahalaga sa pag-aaral. Minsan nga parang routine na lang o obligasyon ang pagsisimba, kulang sa debosyon at pagpapahalaga. Kapanalig, hingin natin sa Diyos na lagi nating madama at mapahalagahan ang mga biyayang handog Niya.
Kahanga-hanga ang mga kapatid nating sa ibang bansa na kinakailangang magsakripisyo, magtipon nang patago, at magdanas ng pangungutya upang patuloy na mapanindigan ang kanilang pananampalataya. Kahanga-hanga ang mga nakatira malayo sa simbahan na naglalakad ng kilo-kilometro upang makapagsimba. Kapanalig, hingin natin sa Banal na Espiritu ang grasyang makita at marinig sa tuwina ang kalooban ni Jesus at mabigyan ito lagi ng lubos na pagpapahalaga.