Ebanghelyo: Lucas 3:1-6
Ito ang nangyari sa ikalabinlimang taon ng paghahari ni Emperador Tiberio. Gobernador noon ng Judea si Poncio Pilato at mga tetrarka si Herodes sa Galilea, si Felipe na kapatid nito sa Iturea at Traconitide, at si Lisanias sa Abilene; sina Anas at Caifas naman ang mga Punong-pari nang panahong iyon. At noon dumating kay Juan na anak ni Zacarias ang salita ng Diyos sa disyerto. Ipinahayag ni Juan ang binyag na may pagbabalik-loob sa kapatawaran ng mga kasalanan, at nilibot niya ang buong rehiyon sa tabi ng Jordan. Nasusulat nga sa aklat ng pahayag ni Propeta Isaias: “Naririnig ang sigaw sa disyerto: Ihanda ang daan para sa Panginoon, ituwid ang kanyang landas. Patataasin ang bawat lambak at pabababain ang bawat bundok at burol. Papatagin ang mga batong kinatitisuran at papantayin ang lupang lubak-lubak. At makikita ng lahat ng tao ang pagliligtas ng Diyos.”
Pagninilay:
Kumukuti-kutitap na ba ang kapaligiran at buong bahay n’yo dahil sa Christmas lights at decorations? Puno na ba ng palamuti ang inyong Chrismas Tree? May nakabalot na ba kayong mga regalo? Talagang marami sa atin ang handang-handa na sa Pasko bago pa man dumating ang buwan Disyembre. Kadalasan mas abala tayong maghanda kung ano ang panlabas, lalo na kung may mga okasyon na parating. Maaga pa lang nililinis na natin ang ating mga tahanan para hindi nakakahiya. Itinatapon ang mga bagay na hindi na natin kailangan. Talagang magaling tayo sa paghahanda.
Sa ating ebanghelyo, ang panawagan ni Juan Bautista ay: “Pagsisihan ninyo’t talikdan ang inyong mga kasalanan, at pabinyag kayo upang kayo’y patawarin ng Diyos.” Sinisigaw niya ulit ang panawagan ni Propeta Isaias; “…ihanda ninyo ang daraanan ng Panginoon, tuwirin ninyo ang kanyang mga landas! Tutuwirin ang daang liku-liko, at papatagin ang daang baku-bako. At makikita ng lahat ng tao ang pagliligtas na gagawin ng Diyos.”
Mga kapanalig, kung abala tayo sa paghahandang panlabas, abala din ba tayo sa paghahanda ng ating buhay espiritwal? Hinahanap din ba natin kung anong aspeto ng buhay natin, kung anong pag-uugali, ang kailangang baguhin? Pinapatag ba natin ang ating pride na kasing-taas na ng Mt. Apo? Pilit pa rin ba natin sinasadyang lumiko ng daan patungo sa kasalanan, kahit alam naman natin ang daan patungo sa mabuti at sa Diyos?
Mga kapanalig, tandaan natin na ang mga bagay na pinag-kakaabalahan nating paghandaan ay panandalian lamang. Kaya huwag nating ilagay ang buhay natin dyan. Ilagay natin ang mga puso natin sa panghabang-buhay – at iyan ang makapiling ang ating Panginoong Hesukristo. Payagan natin ang Panginoon na tibagin ang ating mga kasalanan, patagin ang ating pride na kasing-taas na ng Mt. Everest, at hayaan nating akayin niya tayo pabalik sa tamang daan mula sa liku-liko. Nang sa ganoon, ganap tayong magiging handa na maghari si Hesus sa ating buhay.