Daughters of Saint Paul

Setyembre 6, 2016 MARTES Ika-23 Linggo ng Karaniwang Panahon / San Eleuterio

Lk 6:12-19

Umakyat si Jesus sa bundok para manalangin at magpalipas ng magdamag sa pagdarasal sa Diyos. Nang umaga na, tinawag niya ang kanyang mga alagad at pumili siya ng labindalawa sa kanila na tinawag niyang apostol: si Simon na pinangalanan niyang Pedro, si Andres na kapatid nito; si Jaime, si Juan, si Felipe, si Bartolome, si Mateo, si Tomas, si Jaimeng anak ni Alfeo, si Simon na tinaguriang Zelota, si Judas na kamag-anak ni Jaime, at si Judas Iskariote na naging tagapagkanulo.

           Pagkababa kasama nila, tumigil si Jesus sa isang patag na lugar. Naroon ang maraming alagad niya, at napakarami ring tao mula sa buong Judea at Jerusalem at mula sa baybaying dako ng Tiro at Sidon ang dumating para makinig sa kanya at mapagaling sa kanilang mga karamdaman. Gumaling din ang mga pinahihirapan ng masasamang espiritu. Kaya’t sinikap ng lahat ng tao na mahipo siya dahil may kapangyarihang lumalabas sa kanya, na nagpapagaling sa lahat.

REFLECTION

Sa Ebanghelyong ating narinig, mahalagang pagtuunan natin ng pansin ang magdamagang pagdarasal ni Jesus sa Diyos, bago Siya tumawag ng alagad.  Ipinakikita dito ang kahalagahan ng pagsangguni sa kalooban ng Ama sa panalangin, bago gumawa ng anumang aksiyon o pagdedesisyon.  Lalong-lalo na sa pagpili ng mga taong makakatulong sa pagtaguyod ng misyon.  Kailangang kilatising mabuti ang aplikante – ang kanilang kalusugang pisikal, emosyonal at espiritwal, at maging ang kanilang motibasyon.  Kung tutuusin, hindi na kailangan ni Jesus na manalangin dahil Siya’y tunay na Diyos.  At bilang Diyos, nalalaman Niya ang kalooban, ang katangian, at ang kakayahan ng bawat tao.  Batid Niya ang nilalaman ng puso at isip ng bawat tao, at batid Niya rin kung karapat-dapat silang piliing maging alagad Niya.  Pero, sa kabila nito, nanalangin pa rin Siya; tanda ng Kanyang malapit na ugnayan sa Ama, tanda ng pagsunod sa Kanyang kalooban at tanda rin ng walang-kapantay na pagmamahal Niya sa Ama.  Mga kapatid, sa ating pang-araw-araw na buhay, magandang simulan natin ang bawat araw sa pagdarasal at sa pag-aalay nang buong maghapon sa Panginoon. Kapag nakasanayan na nating laging konsultahin ang Diyos sa panalangin bago magsagawa ng anumang gawain at desisyon, siguradong hindi tayo magkakamali. Panginoon, batid Nyo po kung ano ang makabubuti sa akin. Iadya Mo po ako sa masasamang gawain, na makapagpapahamak sa aking kaluluwa. Amen.