Daughters of Saint Paul

Disyembre 22, 2024 – Linggo | Ika-4 na Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon (K)

Ebanghelyo:  Lucas 1,39-45

Nagmamadaling naglakbay si Maria papunta sa isang bayan sa mataas na lupain ng Juda. Pumasok siya roon sa bahay ni Zacarias at binati si Elizabeth. Nang marinig ni Elizabeth ang bati ni Maria, sumikad ang sanggol sa sinapupunan niya, at napuspos ng Espiritu Santo si Elizabeth at malakas siyang sumigaw at sinabi: “Lubos kang pinagpala sa mga kababaihan. Pinagpala rin ang bunga ng iyong sinapupunan! Sino nga ba naman ako’t naparito sa akin ang ina ng aking Panginoon? Nang umabot sa aking pandinig ang iyong pagbati, sumikad sa tuwa ang sanggol sa aking sinapupunan! Pinagpapala ang naniniwalang magaganap ang mga sinasabi sa kanya ng Panginoon.”

Pagninilay:

“Dapat kayong magpasalamat sa aming mga Protestante! Kung hindi dahil sa amin hindi ninyo matututunan kung paano gumalaw at papurihan ang Espiriu Santo?”  Ito ang sinabi ng isang babaeng pumasok sa aming religious bookstore sa Brisbane, Australia na dumiretso sa lugar kung saan naroon ang mga Biblia nang lapitan ko siya. Binati ko siya at nginitian: “Tama po, 100% na kayo nga ang naturo sa amin ukol sa Espiritu Santo,” ang sagot ko. “At dahil nga po pareho na ang pananaw natin ukol sa Espiritu Santo, di po ba puede na kayong bumalik sa Katolisismo”. Bigla siyang natahimik, nawalan ng sigla, at pagkatapos ay lumabas na lamang sa aming tindahan.

Kakaibang Espiritu naman ang pinagsaluhan nina Maria at Elisabeth sa ating Ebanghelyo ngayon. Puno ito ng sigla, masayang paggalaw sa sinapupunan, at pagpapala. Dama ng bawat isa ang mga ito. Totoong mayroon pa ring mga katanungan tulad ng “Sino ako upang dalawin ng ina ng aking Panginoon?”. Ngunit hindi ito nababalutan ng galit, inggit o pagmamataas, kundi ng pananampalataya, kapayapaan at pag-ibig. Lalago ang pananampalataya kung iniuugnay natin ito sa pag-unawa at pakikiisa, at hindi sa pagkakaiba. Hindi nababatay ang katototohanan ng ating pananalig bilang Katoliko sa kung ano ang mali sa iba, kundi sa pagkakaisa natin sa kanila. Ito ang nais ng Diyos na tunay na bunga sa atin ng Espiritu Santo. Puspos ba tayo nito?

Manalangin tayo: Diyos Ama, hayaan mo kaming mapuspos ng iyong Espiritu Santo, at maging instrumento ng iyong pag-ibig, pananampalataya at pakikikipagkaisa. Amen.