Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Enero 2, 2025 – Huwebes | Paggunita kina Dakilang San Basilio at San Gregorio Nasianseno, mga Obispo at Pantas ng Simbahan

Ebanghelyo: Jn 1: 19-28

Ito ang pagpapatotoo ni Juan, nang suguin sa kanya ng mga Judio mula sa Jerusalem ang ilang mga pari at mga Levita para tanungin siya: “Sino ka ba?” Sinabi niya ang katotohanan at di ipinagkaila; kanya ngang sinabi: “Hindi ako ang Kristo.”  “Ano ka kung gayon? Si Elias ka ba?” “Hindi.” Ang propeta ka ba?” “Hindi!” “Sino ka ba? Para may maisagot kami sa mga nagsugo sa amin.  Ano ba ang masasabi mo tungkol sa iyong sarili?” “Ako ang ‘tinig ng sumisigaw sa ilang, “tuwirin ninyo ang daan ng Panginoon.’ ’’ “At bakit ka nagbibinyag kung hindi ikaw ang Kristo, ni si Elias, ni ang Propeta?” “Sa tubig lang ako nagbibinyag, ngunit kasama naman ninyo siyang nakatayo na hindi pa ninyo nakikilala.  Dumating siyang kasunod ko ngunit hindi ako karapat-dapat na magkalag ng panali ng kanyang panyapak.” Sa Betaraba nangyari ang mga ito, sa kabilang ibayo ng Jordan na pinagbibinyagan ni Juan.

Pagninilay:

Mahalaga sa isang tao na alamin ang dahilan kung bakit niya ginagawa ang isang bagay. Kung pag-ibig ang pinagmumulan nito ay maaari na itong ituring na tagumpay. Sapagkat kung may pag-ibig, mahirap mang gawin ang isang bagay, nakakayanan itong gampanan. Ganito rin ang karanasan ni Juan Bautista sa ating pagbasa. Alam niya kung sino siya at kung ano ang papel niya. Na dapat niyang ipakilala ang tunay na Tagapagligtas na si Hesus. Alam niya na si Hesus ang Kordero ng Diyos Ama na magkakaloob ng kapayapaan sa puso ng bawat tao. 

Kapanalig, hindi madali ang umiwas sa tukso na maging sikat o maging bida.

Sa panahon natin ngayon, talamak sa social media ang pagpapasikat. At hindi exempted dito ang mga Kristiyano, maging ang mga alagad ng Diyos. Sa kagustuhang mas marami ang ma-influence ng Ebanghelyo, sumasakay sa kung ano ang uso, at nahahaluan ito ng pagpapasikat. Nakakalimutan ang payo ni San Pablo: “Hindi namin ipinapangaral ang aming sarili, kundi si Cristo Jesus bilang Panginoon. At kami ay lingkod ninyo alang-alang kay Jesus.”

Manalangin tayo: Panginoong Hesus, bigyan Mo po ako ng linaw ng isipan at kababaang-loob, upang huwag matukso sa makamundong bagay. Gabayan Mo po akong lagi na tahakin ang landas tungo sa Iyo na siyang Bukal ng pag-ibig at kapayapaan. Amen.