Daughters of Saint Paul

Setyembre 17, 2016 SABADO Ika-24 na Linggo ng Karaniwang Panahon / San Roberto Bellarmino, Obispo at pantas ng Simbahan

Lk 8:4-15

Napakakapal na tao ang nagkakatipon dahil pinuntahan si Jesus ng mga tao mula sa kani-kanilang bayan. Kaya nagsalita siya sa talinghaga:

            “Lumabas ang manghahasik para maghasik ng kanyang binhi. Sa kanyang paghahasik, may ilang butong nahulog sa tabi ng daan at tinapak-tapakan at kinain ng mga ibon sa Langit. Nahulog ang iba sa batuhan, at nang sumibol ay nalanta dahil sa kawalan ng halumigmig. Nahulog ang iba pang buto sa gitna ng tinikan, at sa sabay nilang paglaki, sinikil ito ng mga tinik. Nahulog naman ang iba pa sa matabang lupa at nang sumibol ay nagbunga ng tig-iisang daan” Pagkasabi nito’y sumigaw siya: “Makinig ang may tainga.”

            At tinanong siya ng kanyang mga alagad kung ano ang kahulugan ng talinghagang ito. Kayat sinabi niya: “Sa inyo ipinagkaloob na malaman ang mga lihim ng kaharian ng Diyos, at sa iba nama’y sa mga talinghaga lamang para tumingin sila at hindi makakita, makinig at hindi makaunawa. Ito ang kahulugan ng talinghaga. Ang binhi ay ang Salita ng Diyos. Ang mga nasa tabi ng daan ang mga nakakarinig nito pero agad namang dumarating ang diyablo; inaagaw niya ang salita mula sa kanilang isipan upang huwag silang manalig at maligtas. Ang mga nasa batuhan ang mga nakakarinig na masayang tina tanggap ang salita. Ngunit wala silang ugat kaya sandali silang nananalig at tumitiwalag naman sa panahon ng tukso. Ang nahulog naman sa mga tinikan ay ang mga nakakarinig ngunit sa pagpapatuloy nila’y sinikil ng mga kabalisahan, ng kayamanan at ng mga kasiyahan sa buhay kaya hindi sila nakapagbunga. Ang nahulog naman sa matabang lupa ay ang mga nakakarinig sa salita at iniingatan ito nang may dakila’t mabuting loob at nagbubunga sila sa kanilang pagtitiyaga.”

REFLECTION

Sa talinhagang ating narinig, malinaw na ang Diyos ang maghahasik, ang Salita ang binhi, at ang iba’t  ibang lupa ang kumakatawan sa iba’t ibang uri ng puso na tumatanggap sa Salita.  Hindi ipinagdamot ng Diyos ang Kanyang Salita.  Ang mga makasalanan man, may karapatan ding mahasikan ng binhi mula sa Diyos.  Pero, kung hindi natin babaguhin ang ating puso para maging “mabuting lupa” hindi tayo makapamumunga ng kabutihan o anumang banal na gawain.  Lupa mang batuhan o dawagan maaari ring maging mayamang lupa kung ito bubungkalin, lilinisin at lalagyan ng pataba upang maging kapaki-pakinabang na binhi.  Kapatid, anong klase ba ang puso mo kung ihahambing sa iba’t ibang uri ng lupa na inilalarawan ngayon sa Mabuting Balita?  Nagbubunga ba ng pagbabago sa iyong buhay ang pakikinig mo sa Salita ng Diyos?  Panginoon, pagkalooban Mo po ako ng pusong bukas sa pagtanggap ng Iyong Banal na Salita nang magbunga ito ng siksik, liglig at umaapaw na mga biyaya sa aking buhay pananampalataya at sa kapwa. Amen.