Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Enero 10, 2025 – Biyernes | Kasunod ng Pagpapakita ng Panginoono kaya Paggunita kay San Raymundo de Penyafort, pari

Ebanghelyo: LUCAS 5,12-16

Nang nasa isang bayan si Jesus, may isang taong tadtad ng ketong doon. Nang makita niya si Jesus, nagpatirapa siya at nakiusap siya: “Ginoo, kung gusto mo, mapalilinis mo ako.” “Gusto ko, luminis ka! Huwag mo itong sabihin kanino man kundi pumunta ka sa pari para masuri ka niya at maialay alang-alang sa iyo ang handog na iniutos ni Moises para magkaroon sila ng patunay.” Ngunit lalo namang kumalat ang balita tungkol sa kanya at pumunta sa kanya ang maraming tao upang makinig at mapagaling sa kanilang mga karamdaman. Kaya madalas na mag-isang pumunta si Jesus sa mga ilang na lugar para manalangin.

Pagninilay:

Facebook, Tiktok, Netflix, umiiyak si bunso, ano’ng lulutuin panghapunan, may pera bang pambili ng gamot… napakaingay ng ating mundo ngayon. Pagod, takot at pag-aalala kung makakayanan ba natin ang lahat ng hirap sa buhay. Yan ang ikinababahala natin ngayon at maski ng mga Hudyo nung kapanahunan ni Hesus.

Ang pagmamahal ni Hesus sa atin ang nag-uudyok sa Kanya na matulungan tayong lahat. Hinahawakan niya at pinapagaling ang mga may sakit, gumagawa ng himala para pakainin ang limang libong katao, naglalakbay nang malayo upang ipalaganap ang mabuting balita ng kaligtasan. Kaya naman, dinudumog siya ng mga tao na parang superstar saan man Siya naroroon.

May parte sa Mabuting Balita ngayon na halos hindi natin mapapansin. Yun ang pagkatapos gumawa ng himala, nagtungo si Hesus sa ilang na lugar upang manalangin. Napakahalaga kay Hesus na makipag-ugnayan sa Ama. Naghahanap siya ng tahimik na lugar upang magdasal bago at pagkatapos ng mga tagumpay at krisis ng Kanyang buhay. Nagdarasal Siya para makapag-recharge. Humihingi siya ng patnubay at lakas upang maipagpatuloy ang Kanyang misyon. At pinagdarasal Niya ang kaligtasan ng sangkatauhan.

Kapanalig, tularan natin ang Panginoon. Sa gitna ng ingay at kaguluhan ng mundo, pumunta tayo sa ating sacred space, manahimik, at manalangin tayo sa ating Ama. Sa Kanya lamang natin makikita ang kapayapaan at katahimikan na ating inaasam.