Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Enero 12, 2025 – Linggo | Kapistahan ng Pagbibinyag sa Panginoon (K)

Ebanghelyo: LUCAS 3:15-16, 21-22

Dahil sa pag hahangad ng bayan.ay inisip nila na baka  si Juan ang Kristo. Kaya winika ni Juan sa kanilang lahat: “Akoy nag bibinyag sa tubig ngunit may isang darating na lalong makapangyarihan sa akin. Hindi ako karapat-dapat magkalag ng tali ng kanyang mga panyapak. Siya ang mag bibinyag sa inyo sa pamamagitan ng Espiritu Santo at apoy. Pagkatapos ng Pagbibinyag sa buong bayan, si Jesus ay bininyagan din. At Samantalang nanalangin siya ay nabuksan ang Langit habang siya’y nananalangin. At Bumaba sa kanya ang Espiritu Santo sa kanya sa anyong nakikita katulad ng kalapati at may nag salita ng ganito: “Ikaw ang aking Anak, ang aking Minamahal, ikaw ang aking Hinirang.”

 Pagninilay:

Bakit kailangan binyagan si Hesus? Si Hesus, walang kasalanan, lumapit sa binyagan. Para saan? Hindi para humingi ng kapatawaran—kundi para makiisa. Para sabihin sa atin: Andito ako para iligtas kayo. Pero hindi gamit ang kapangyarihan kundi gamit ang pagmamahal. Nang bumaba siya sa mga tubig ng Jordan, parang sinabi niya: “Eto ako. Walang mas mataas, walang mas mababa. Tayo ay magkasama.”  Sa kanyang paglapit kay Juan para mabinyagan, pinapakita ni Hesus na kaisa natin sya sa lahat ng aspeto ng ating buhay. At ang pakikiisang ito ang magliligtas sa atin. Hindi kapangyarihan kundi pag-ibig ng isang Diyos na nagpakumbaba at nakiisa sa atin ang syang magiging ating kaligtasan. Eto ang mukha ng Diyos na pinapakilala ni Hesus sa atin. Isang Diyos ng awa at pag-ibig. Ito ang mensahe sa atin nung pasko, at binibigyang diin muli ngayong pagdiriwang ng kanyang pagbinyag. Mga kapatid, ang binyag ni Hesus ay isang paanyaya—paanyaya na tayo ay maging bahagi ng isang mas malaking plano. Paanyaya na maging instrumento tayo ng kanyang pag-ibig. At magagawa lamang natin ito sa pagsunod sa kanyang halimbawa. Una, magpakumbaba. Huwag palaging nakatuon ang atensyon sa sarili at magpaka-”main character” sabi nga ng mgakabataan. Buksan ang sarili para makiisa sa iba’t ibang klase ng tao at karanasan, dahil ang bawat isa ay may baong aral na maaaring magpalago ng ating kabanalan. Pangalawa, makiisa sa mga gawain ng simbahan. Maglingkod. Makibahagi sa mga proyekto at panalangin ng bayan ng Diyos. Ito naman ang bunga ng binyag: ang i-anib tayo sa Katawan ng Diyos, ang simbahan, kung saan puspos ang grasya at awa, kung saan lahat may puwang at may pagkakataong makatanggap ng bagong simula. Mga kapatid, tandaan natin: ang nais lamang ng Diyos ay maging bahagi ng ating buhay, dahil ganun talaga ang pagmamahal. Nawa’y payagan natin siyang makiisa sa atin, at gamitin tayo para lalo ring makarating ang kanyang pag-ibig sa ating kapwa. Amen.