Ebanghelyo: Mark 1:21-28
At pumunta sila sa Capernaum. At nagturo siya sa sinagoga sa Araw ng Pahinga. Nagulat ang mga tao sa kanyang pangangaral sapagkat nangaral siya nang may kapangyarihan, hindi gaya ng mga guro ng Batas. May isang tao sa sinagoga na inaalihan ng isang maruming espiritu. Sumigaw ito: “Ano ang kailangan mo sa akin, Jesus na taga Nazaret? Para ipahamak kami kaya ka dumating. Alam ko kung sino ka: Ang Banal ng Diyos.” “Tumahimik ka’t lumayas sa kanya.” Matinding niyugyog ng espiritu ang taong iyon at pagkasigaw nang malakas ay saka lumabas. Talagang takang-taka ang lahat at nag-usap-usap sila: “Ano ito? Isang bagong pagtuturo na may kapangyarihan! Inuutusan niya kahit maruruming espiritu at sinusunod nila siya.” At lumaganap ang katanyagan niya saan man sa buong lupain ng Galilea.
Pagninilay:
Bago natapos ang nakaraang taon, nabulabog ang taong-bayan dahil sa isang hindi mawaring political theater sa pagitan ng ating mga lider. Sa totoo lang po, pumasok sa pagninilay ko ang Mabuting Balita ngayon nang masaksihan ko ang mga salitang lumalabas sa bibig ng isang mataas na opisyal ng pamahalaan at nung nag-melt down siya. Naibulong ko, “Jesus, utusan mo po ang masamang espiritu sa kanya, “Tumahimik ka! Lumabas ka sa kanya!”
Sa Mabuting Balita, ni hindi humiling kay Jesus ang lalaking sinapian ng masamang espiritu na palayain siya. “Ngunit iniutos ni Jesus sa masamang espiritu, ‘Tumahimik ka! Lumabas ka sa kanya!’”
Ayon sa Catechism of the Catholic Church, “tinatanggap natin ang Banal na Espiritu sa binyag kaya’t naging mga anak na ampon tayo ng Diyos (CCC 1265).
Opo, Banal na Espiritu ang handog sa atin ng Panginoon kung kaya malaya tayong tawagin Siyang ating Ama, tanda ng pagnanais ng Diyos na bigyan tayo “nang higit pa kaysa maaari nating hilingin at isipin, sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihang kumikilos sa atin (Efeso 3:20).” Kahit kailan, hindi nais ng ating Ama sa langit na maging alipin tayo ng masamang espiritu. Kalooban ni Jesus na palayain tayo laban sa kasamaan at kasalanan.
Sa ating pang-araw-araw na pamumuhay, pakikipag-ugnay, pananalita at pag-iral, masasalamin kung anong klaseng espiritu ang nananahan sa atin. Paano natin ito malalaman? Sa kanyang sulat sa mga taga-Galacia, inisa-isa ni Apostol San Pablo ang bunga ng Banal na Espiritu, “pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagtitiyaga, kabaitan, kabutihan, katapatan, kahinahunan, at pagpipigil sa sarili (5:22-23).” Binanggit rin niya sa parehong sulat ang mga bunga ng masamang espiritu o “mga gawa ng laman: pakikiapid, kahalayan at kalaswaan; pagsamba sa diyus-diyosan, pangkukulam, pagkapoot, pag-aaway-away, pagseselos, pagkakagalit at kasakiman, pagkakampi-kampi at pagkakabaha-bahagi, pagka-inggit, [pagpatay] paglalasing, walang habas na pagsasaya, at iba pang katulad nito (5:19-21a).” Nagbabala si San Pablo, “ang gumagawa ng mga ito ay hindi magkakaroon ng bahagi sa kaharian ng Diyos (Galatians 5:21b).”
Mga kapanalig, suriin natin nang may katapatan ang ating sarili. Anong klaseng espiritu ang nananahan sa ating puso? Naparito si Jesus upang palayain tayo sa kasamaan at kasalanang inilagak ng masamang espiritu sa ating puso at isipan.
Magpakumbaba po tayo at manalig, “Jesus, na makapangyarihan, palayain mo po kami sa aming mga kasamaan at kasalanan. Amen.”