Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Enero 15, 2025 – Miyerkules ng Unang Linggo sa Karaniwang Panahon | Paggunita kay San Arnold Jannsen, pari

Ebanghelyo:  MARCOS 1:29-39

Pagkaalis niya sa sinagoga, tumuloy si Jesus sa bahay nina Pedro at Andres, kasama sina Jaime at Juan. Doo’y nakahiga ang biyenan ni Pedro at may lagnat, at agad nila itong sinabi kay Jesus. Kaya lumapit siya, hinawakan ito sa kamay at ibinagon. Iniwan ng lagnat ang babae at ito mismo ang naglingkod sa kanila. Pagkalubog ng araw, nang dumidilim na, dinala nila kay Jesus ang lahat ng maysakit o inaalihan ng masamang espiritu. Nasa may pintuan nga ang buong bayan. Maraming may ibat-ibang sakit ang pinagaling ni Jesus at maraming demonyo ang kanyang pinalayas; ngunit hindi niya sila pinahintulutang magsalita sapagkat alam nila kung sino siya. Kinabukasan, maaga siyang bumangon at umalis. Pumunta siya sa isang ilang na lugar at doon siya nanalangin. Hinanap siya nina Pedro, at pagkakita sa kanya ay kanilang sinabi: “Hinahanap ka ng lahat.” “Tayo na sa ibang lugar, sa maliliit na karatig-nayon para makapangaral din ako roon; dahil dito kaya nga ako lumabas.” At naglibot siyang nangangaral sa kanilang mga sinagoga sa buong Galilea at nagpalayas ng mga demonyo.

Pagninilay:

Bakit hindi nanay o tatay ni Pedro ang unang pinagaling ng ating Panginoon? Para sa akin, may kaakibat na paalala sa mga mag-asawa ang Mabuting Balita ngayon. Kapag ang lalaki at babae ay nag-asawa, bubuo sila ng sarili nilang pamilya pero di nila tatalikuran ang kani-kanilang mga magulang. Mamahalin, igagalang at itataguyod nila ang mga ito lalo na sa kanilang pagtanda. Nakapaloob ito sa ikaapat na utos ng Panginoon na nagsasabing: “Igalang mo ang iyong ama at ina.” At ito rin ang unang utos na may kalakip na pangako na: “Magiging maganda at mahaba ang iyong buhay sa lupa.” Madalas, ang iringan sa pagitan ng biyenan at manugang ay nag-uugat sa selos. Ngunit ang pagmamahal sa magulang at pagmamahal sa asawa ay hindi magkatulad; at kahit kailanman ay hindi dapat pag-agawan. Kung mahal mo ang iyong magulang, mamahalin mo rin ang iyong mga biyenan. Kapanalig, may biyenang babae ka ba? O ikaw ba ang biyenang babae? Suriin natin ang ating relasyon sa ating mga biyenan o manugang. Kung may kulang, o may mali, panahon na para punuan ito o itama, bago mahuli ang lahat. Pagpalain nawa tayo ng Panginoon.