Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Enero 18, 2025 – Sabado ng Unang Linggo sa Karaniwang Panahon (I) | Paggunita sa Mahal na Birheng Maria tuwing Sabado

Ebanghelyo: Mark 2:13-17

Pumunta si Jesus sa tabing-dagat at lumapit din sa kanya ang lahat.  Kaya nagturo siya sa kanila. Nakita naman niya sa paglalakad si Levi na anak ni Alfeo, na nakaupo sa singilan ng buwis at sinabi niya rito: “Sumunod ka sa akin.” At tumayo ito at sinundan siya. Habang nanunuluyan naman si Jesus sa bahay niya, maraming tagasingil ng buwis at iba pang makasalanan ang nakisalo kay Jesus at sa kanyang mga alagad.  Talagang ngang marami sila.  Ngunit may mga guro ng Batas namang sumusunod sa kanya. Nang makita nila na nasa hapag siya kasama ng mga makasalanan at maniningil ng buwis, sinabi nila sa kanyang alagad: “Ano! Kumakain siyang kasama ng mga makasalanan at maniningil ng buwis?” Nang marinig ito ni Jesus, sinabi niya sa kanila: “Hindi ang malulusog ang nangangailangan ng doktor kundi ang mga may sakit! Hindi ako pumarito para tawagin ang mabubuti kundi ang mga makasalanan.”

Pagninilay:

Bilang taga-recruit po ng mga kabataang gusto magseminaryo, o nais maging pari, lagi ko pong naririnig na “Ay ‘wag ako brother, makasalanan ako!” “Naku, hindi ako tatagal diyan, masusunog po ako!” “Hindi ko calling yan bro, kung alam mo lang ang mga kasalanan ko!” Ang hirap pong makipagtalo. Kung kasalanan, kahinaan, pagiging di-karapat-dapat ang pag-uusapan – maaaring iilan lamang ang matitira.

Sa ating ebanghelyo ngayong araw, narinig natin kung paanong tinawag ni Hesus sa paglilingkod si San Mateo. Siya’y isang maniningil ng buwis, kumakabig ng malaki mula sa mga tao. Sa kabila ng lahat ng ito, siya’y tinawag ng Diyos, at siya’y tumugon. Siya’y naging kabilang sa mga apostol ni Hesus, at tinawag siyang Mateo, Matthew sa ingles, na sa salitang Hebreo ay Matityahu, ibig sabihin “gift of Yahweh” o “gift of God“.

Mga kapatid/kapanalig, ang paglilingkod sa Diyos ay isang pagtawag—calling. At ito ay masusukat o macoconfirm lamang kapag handa tayong tumugon, may willingness tayong tumugon sa kanya. Saka na natin pag-usapan ang ating mga kahinaan. Hindi naman marapat isinasantabi, higit sa lahat, sana matutunan nating maging matapang na tumugon sa tawag ng Diyos. Isangguni na natin ang ating mga kahinaan sa kanyang awa, at hingin ang grasyang mapagtagumpayan ang mga ito.

Sa ngayon, hayaan nating madiskubre sa anong klase ba ng paglilingkod ako tinatawag ng Panginoon—at doon mapagtatanto rin natin na tayong lahat ay Mateo—mahina ngunit minarapat upang ang buhay-paglilingkod ko—maging nanay man, tatay, o ano mang propesyon, pagpapari, pagiging relihiyoso’t relihiyosa etc.—ay tunay na regalo, kaloob ng Diyos para sa kanyang bayan. Amen.