Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Enero 29, 2025 – Miyerkules ng Ika-3 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)

Ebanghelyo:  MARCOS 4,1-20

Nagsimulang magturo si Jesus sa tabing-dagat at marami ang nagkatipon sa kanya. Kaya sumakay siya sa bangka at naupo. Nasa dagat siya at nasa tabing dagat naman ang lahat. At marami siyang itunuro sa kanila sa tulong ng mga talinhaga. Sinabi niya sa kanila sa kanyang pagtuturo: “Makinig kayo! Lumabas ang manghahasik para maghasik. Sa kanyang paghahasik, may butong nahulog sa tabi ng daan. Dumating ang mga ibon at kinain ang mga iyon. Nahulog naman ang ibang buto sa batuhan at mababaw ang lupa roon. Madaling tumubo ang mga buto dahil hindi malalim ang lupa. Ngunit pagsikat ng araw, nasunog ito sa init, at sapagkat walang ugat, natuyo ito. Nahulog ang iba pang buto sa mga tinikan. At nang lumago ang mga tinik, sinikil ng mga ito ang halaman at hindi namunga. Nahulog naman ang iba sa matabang lupa at namunga sa paglaki at paglago. May nagbunga ng tatlumpu, animnapu ang iba at sandaan ang iba pa. Makinig ang may tainga! Ang Salita ang inihahasik ng manghahasik. Ang mga nasa tabi ng daan ay ang mga nahasikan ng Salita, na pagkarinig nila sa Salita ay agad na dumating ang masama at inagaw ang nahasik sa kanila. Gayundin ang nahasik sa batuhan. Pagkarinig nila sa Salita, kaagad nila itong tinanggap nang buong kasiyahan. Ngunit hindi ito nag-ugat sa kanilang kalooban at panandalian lamang. Kapag nagkaroon ng pagsubok at pag-uusig dahil sa Salita agad-agad silang natitisod. May iba pang nahasik sa mga tinikan. Ang mga ito ang nakarinig sa Salita. Ngunit pinapasok ang mga ito ng mga makamundong kabalisahan, ng pandaraya ng kayamanan at ng iba pang mga pagnanasa. Sinikil ng mga ito ang Salita at hindi na nakapagbunga. Ang mga buto namang nahasik sa matabang lupa ay ang mga nakarinig sa Salita at isinasagawa ito. At nagbubunga sila ng sandaan, animnapu o tatlumpu.”

Pagninilay:

Ibinahagi po si Sr. Tess Espina ng Daughters of St. Paul ang pagninilay.

Binibigyang-diin sa talinhaga ngayon ang uri ng lupa at ang tugon sa Salita. May mga buto na nahulog sa tabi ng daan. Dumating ang mga ibon at kinain ang mga ito. Sila yung mga tumanggap ng mabuting balita pero hindi ito tumubo dahil sa dami ng distractions sa paligid. Nahulog naman sa batuhan ang ilang mga buto. Mabilis na tumubo pero agad nalanta at namatay dahil sa kakulangan ng tubig at sustansiya. Sila yung yumakap sa pananampalataya nang may sigasig ngunit kapag may sumalungat at pinag-usig, agad silang tumatakas at nakakalimutan na ang pangako.

Ang mga buto na nahulog sa mga damo ay hindi nag-uugat dahil sinasakal ng mga damo. Kapag ang isang taong sumasampalataya ay nasilo ng materyalismo, wala na siyang nagagawang makabuluhan.

Samantala, ang mga buto na nahulog sa matabang lupa ay nagbubunga ng magandang ani. Ito ang mga Kristiyano na talagang nakakarinig ng Salita. Naiintindihan nila ang mensahe at inuuunawa ito. Kumikilos sila at nabubuhay ayon sa Salita kaya sila nagbubunga nang masagana.

Hindi sapat na maging masigasig at mapagmasid lang upang maging isang tunay na Kristiyano. Dapat ring maging mabunga. Sinabi ni Hesus na ang bawat mabuting puno ay namumunga nang mabuti. Ang punong hindi namumunga ay puputulin at itatapon sa apoy.

Kapanalig, tanungin natin ang ating sarili: Anong klaseng lupa kaya ako?