Daughters of Saint Paul

Pebrero 3, 2025 – Lunes ng Ika-4 na Linggo sa Karaniwang Panahon (I) | Paggunita kay San Blas, obispo at martir | Paggunita kay San Anscar (Oscar), martir

Ebanghelyo: MARCOS 5,1-20

Dumating si Jesus at ang kanyang mga alagad sa lupain ng mga taga-Gerasa sa kabilang ibayo, at pag-alis niya sa bangka, sinalubong siya ng isang lalaking inaalihan ng demonyo, na galing sa mga libingan. Sa mga puntod siya nakatira at di siya maigapos kahit na ng mga kadena. Madalas nga siyang ikinakadena at ipinuposas ang mga paa ngunit nilalagot niya ang mga kadena at sinisira ang mga posas sa paa kaya walang makasupil sa kanya. Nasa kaburulan siya araw gabi, sa mga libingan. Nagsisisigaw siya at sinasaktan ang sarili sa mga bato. Pagkakita nito kay Jesus sa malayo, patakbo itong lumapit at nagpatirapa sa harap niya at sumigaw: “Ano ang kailangan mo sa akin Jesus na Anak ng Diyos? Hinihiling ko sa iyo sa ngalan ng Diyos na huwag mo akong pahirapan. Hukbo nga ako marami kasi kami.” At hiningi niya kay Jesus na huwag silang palayasin sa lupaing iyon. Maraming baboy na nanginginain doon sa burol. Kaya hiniling sa kanya ng mga demonyo: ”Ipadala mo kami sa mga baboy at papasok kami sa mga iyon.” At pinahintulutan sila ni Jesus. Kaya pagkalayas ng mga demonyo’y pumasok ang mga ito sa mga baboy; at nahulog sa bangin ang mga baboy papuntang dagat at nalunod na lahat. Tumakas naman ang mga nagbabantay sa mga baboy. At ipinamalita nila ang lahat sa bayan at sa mga bukid. Naglabasan ang mga tao upang alamin ang nangyari. Kaya pinuntahan ng mga ito si Jesus at nakita nila ang dating inaalihan ng demonyo na nakaupo at nakadamit, matino na siya na sinapian ng hukbo. Kaya natakot sila. Ibinalita naman sa kanila ng nakakita kung ano ang nangyari sa inalihan ng demonyo at pati sa mga baboy. Kaya’t hiniling nila kay Jesus na umalis sa kanilang lupain. Pagsakay ni Jesus sa bangka, nakiusap sa kanya ang inalihan ng demonyo na isama siya. Ngunit hindi siya pinayagan ni Jesus, kundi sinabi niya: ”Umuwi ka sa iyong mga kamag-anak at ipamalita sa kanila ang lahat ng ginawa sa iyo ng Panginoon at ang pagkahabag niya sa iyo. ”Kaya umalis ang tao, at sinimulang ipahayag sa buong lupain ng Decapolis ang lahat ng ginawa sa kanya ni Jesus, at namangha ang lahat.

Pagninilay:

  Napakayaman sa mga aral ang Ebanghelyo sa araw na ito:

Una, hindi lahat ng nakakakilala sa Panginoon ay mabubuting tao; kailangang maging mapanuri. Tulad ng masasamang Espiritu sa ebanghelyo ngayon. Malayo pa ang Panginoon ay nakilala na nila siya! Ngunit mga kampon sila ng kadiliman at kailanman ay hindi nanampalataya sa Panginoon. Mag-ingat sa mga tulad nila! Huwag magpalinlang!

Ikalawa, mag-ingat sa hinihiling natin sa Panginoon at maging handa sa pagtanggap ng grasya ng Diyos. Huwag pamarisan ang mga masasamang espiritu na hiniling na papasukin sila ng Panginoon sa kawan ng mga baboy na nanginginain sa di kalayuan. Pinagbigyan sila ng Panginoon. Di nila naisip na mabubulabog ang mga baboy sa kanila. Nagtakbuhang parang nababaliw ang mga baboy hanggang sa ang lahat ay mahulog sa bangin at malunod sa dagat.

Ikatlo, lahat tayo ay may misyon na ipamalita ang kabutihan at pagmamahal sa atin ng Panginoon. Di natin kailangang mamundok o tumawid ng karagatan upang ipamahagi ang mabuting balita ng kaligtasan. Tulad ng lalaking pinagaling ng Panginoon, umuwi tayo sa ating mga tahanan at doon, ibahagi ang kabutihan at pagmamahal ng Diyos.