Ebanghelyo: MARCOS 6,53-56
Pagkatawid ni Hesus at ng kanyang mga alagad, dumating sila sa pampang ng Genesaret at doon nila isinadsad ang bangka. Paglunsad nila ng bangka, nakilala si Hesus ng mga tagaroon at patakbo nila itong ipinamalita sa lupaing iyon. Kaya dinala nila ang mga maysakit na nasa higaan kung saan nila mabalitaang naroon siya. At saanman siya lumakad, sa mga nayon man o sa bayan o sa bukid, inilalagay nila sa mga liwasan ang mga maysakit at nakikiusap sa kanya na mahipo man lamang sana nila ang laylayan ng kanyang damit, at gumaling ang lahat ng humipo rito.
Pagninilay:
Walang sinuman ang magnanais na magkasakit. Lagi nga nating ipinapanalangin na pagkalooban tayo ng Diyos ng malusog na katawan at maligtas sa anumang uri ng karamdaman. Napaka-advanced na ngayon ang larangan ng medisina. Marami nang na-discover na mga paraan para magamot ang iba’t ibang uri ng karamdaman. Pero hindi ganito ang sitwasyon noong kapanahunan ni Hesus. Siguradong may mga gamot rin ang mga tao noon gaya ng herbal medicine pero for sure wala silang mga modernong instrumento tulad ng meron tayo sa ngayon. Ayon sa Mabuting Balita na narinig natin, nang kumalat ang balitang nagpapagaling ng maysakit at nagpapalayas ng mga masasamang espiritu si Hesus, nagdagsaan ang mga tao sa kanya. Ma se-sense natin ang anguish at suffering ng mga tao sa Gospel episode na ito. But the kind of suffering that is filled with hope. Dahil kung walang pag-asa sa kanilang puso, hindi sila mag-aaksaya ng panahon na sundan si Hesus. Isipin na lang natin ang pagod at hirap na dinanas nila upang madala ang kanilang maysakit kay Hesus. Siguro hundreds of kilometers ang nilakad nila. Di biro ang pagod at gutom na dinanas nila. Dala ang kanilang maysakit, pati na yung di makatayo at makalakad, para mapagaling ni Hesus. Kahit mahipo man lang ang laylayan ng kanyang damit, ang wika nila.
Kapanalig, ganito ba ang faith na nananatili sa iyong puso? Pananampalatayang malalim at tapat sa kabila ng mga pagsubok at pagdurusang nararanasan mo? Huwag mawalan ng pag-asa dahil si Jesus ang Daan, ang Katotohanan, at ang Buhay.
Maraming uri ng pagsubok ang maaari nating maranasan. Minsan dumarating ito bilang isang karamdaman, paghihirap, pagkasira ng relationships o pagkakawatak-watak ng pamilya. Anumang pagsubok o problema ang kinakaharap natin, manatili sanang matatag at malalim ang ating pananampalataya kay Hesus. Tanging siya lamang ang makahihilom sa ating sugat, ang makapagpapagaling sa ating karamdaman, at makapagbibigay sa atin ng panibagong lakas at pag-asa sa gitna ng kapighatiang tinatahak natin sa buhay.