Daughters of Saint Paul

Pebrero 11, 2025 – Martes, Ika-5 Linggo ng Karaniwang Panahon

Ebanghelyo: MARCOS 7:1-13

Nagkatipon sa paligid ni Jesus ang mga Pariseo at ilan sa mga guro ng Batas na galing sa Jerusalem. Napansin nila na kumakain ang ilan sa mga alagad niya na may maruming kamay, na hindi naghuhugas ayon sa seremonya.Sinusunod nga ng mga Pariseo pati na nag mga Hudyo and tradition ng kanilang mga ninuno. At hindi sila kumakain na hindi muna nag huhugas ng kamay at hindi rin sila kumakain ng anumang gaking sa Palengke na hindi ito nililinis at marami pang dapat tuparin, halimbawa ng paglilinis ng mga Halim Bawa inuman mga copa at pinggang tanzo. Kaya tinanong siya ng mga Pariseo at mga guro ng Batas: “Bakit hindi isinabuhay ng iyong mga alagad ang tradisyon ng mga ninuno? Hindi nga sila naghuhugas ng kamay bago kumain.” At sinabi sa kanila ni Jesus: “Tama ang propesiya ni Isaias tungkol sa inyong mga mapagkunwari. Nasusulat na “Pinararangalan ako ng mga ito sa kanilang labi, at malayo naman sa akin ang kanilang mga puso. Walang silbi ang kanilang pagsamba sa akin at kautusan lamang ng tao ang kanilang itinuturo.” Pinabayaan nga ninyo ang utos ng Diyos para itatag ang tradisyon ng mga tao. Mahusay na pinawalang-bisa ninyo ang salita ng Diyos para tuparin ang inyong tradisyon. Sinabi nga ni Moises: ‘Igalang mo ang iyong ama at ina,’ at ‘patayin ang sinumang sumumpa sa kanyang ama o ina.’ Ngunit sinasabi niyo, na kung may magsasabi sa kanyang ama o ina, inaalay na ang pwede kong itulong sa inyo wala na siyang magagawang anuman ayon sa palagay ninyo para sa kanyang ama at ina. Kaya pinawalang-bisa ninyo ang salita ng Diyos sa tulong ng sarili ninyong tradisyon. At marami pa ang mga ginagawa ninyong ganito.”

Pagninilay:

“Maghugas mabuti ng kamay! Iwasan ang infection!”  Walang tigil ang paalalang ito noong panahon ng pandemic. Pero para sa mga Hudyo, isang ritwal para sa kadalisayan ng kaluluwa ang paghuhugas ng mga kamay. Tuntunin ng Kautusan at turo ito ng mga ninuno. Kaya naman, itinuring na walang galang at marumi si Jesus at ang mga alagad dahil hindi sila naghugas ng kamay bago kumain. Ngunit binuksan ni Hesus ang kanilang mga mata. Itinuro Niya sa mga Pariseo na masigasig nga sila sa mga tuntunin ng Kautusan at sa mga aral ng mga ninuno. Ngunit tinanggihan nila ang batas ng Diyos tungkol sa paggalang sa magulang. Nagdahilan sila sa pagsasabi na inihandog nila sa Diyos ang anumang maibibigay sana nila sa kanilang mga magulang. Ngunit, ang batas ng Diyos na nakapaloob sa Kautusan ay nakasulat sa puso ng tao. Hindi maaaring palitan ng anumang batas o turo ng tao ang pagmamahal at paggalang sa magulang. Hindi maaaring i-manipulate ng anumang kapangyarihan ng tao ang batas ng Diyos.

Pero nangyayari ito ngayon: kapag ginawang legal ng isang gobyerno ang abortion para daw sa paggalang sa karapatan ng bawat tao na malayang pumili. O upang kontrolin ang populasyon. Ganun din sa euthanasia, at sa pagpili ng gusto mong gender. E kasi, meron tayong free choice! ‘Yan ang sinasabi ng mga celebrities at influencers. Ngunit ang lahat ng buhay ay pag-aari ng Diyos. Siya lang ang makakapagpasya dito. Walang gobyerno o indibidwal na tao ang makakaagaw sa karapatan ng Diyos. Inaanyayahan rin tayo, sa ating mga sariling desisyon, na laging hanapin ang nakalulugod sa Diyos. Maging sa paggawa ng mabuti at sa pagsunod sa mga tuntunin ng pamahalaan at Simbahan. Tanungin natin palagi ang Panginoon: “Lord, ano ang gusto mong gawin ko? Happy ka ba sa akin?”

Kapistahan ngayon ng Mahal na Birhen ng Lourdes. Hilingin natin kay Maria na magkaroon tayo ng dalisay ng puso, upang laging hanapin ang kasiyahan ng Diyos. Manalangin tayo: Banal na Espiritu, patnubayan mo ang aming isipan at puso na laging hanapin ang kasiyahan ng Diyos higit sa lahat ng bagay. Amen.