Daughters of Saint Paul

Pebrero 17, 2025 – Lunes, Ika-6 na lingo sa karaniwang panahon

Ebanghelyo: MARCOS 8,11-13

Dumating ang mga Pariseo at nagsimulang makipagtalo kay Hesus. Gusto nilang subukan si Hesus at humingi ng isang makalangit na tanda. Nagbuntung-hininga siya at sinabi: “Bakit humihingi ng palatandaan ang lahing ito? Talagang sinasabi ko sa inyo: walang tandang ibibigay sa lahing ito.” Kaya iniwan sila ni Hesus at sumakay sa bangka patawid sa kabilang ibayo.

Pagninilay:

Nagpapa-alala ang Mabuting Balita ngayon na ugaliin nating magpasalamat sa mga blessings na ating tinatanggap. Hindi naniwala at hindi matanggap ng mga Pariseo ang kabutihan at mga himala na ipinakita sa kanila ni Hesus. Nagpapatunay ang mga ito na Siya ang Anak ng Diyos, ang ipinangakong Mesias na darating para sa kaligtasan ng lahat. Hindi naging sapat ang pagpaparami ng tinapay na ipinakain sa libu-libong mga tao, ang pagpapagaling sa mga maysakit, sa mga pipi at bulag. Sa halip na magpasalamat, nakipagtalo sila kay Hesus at humihingi ng patunay mula sa langit. Kaya naman, napa-buntung-hininga si Hesus at sinabi: “Bakit humihingi ng tanda ang lahing ito? …hindi bibigyan ng tanda ang lahing ito.”

Kung minsan, may tendency rin tayo na magreklamo; hindi tayo makontento sa ating buhay. Nakakalimutan nating magpasalamat sa Diyos na nagkaloob sa atin ng lahat.   Di natin napapansin na ang Diyos, ang Maylikha at pinagmumulan ng lahat ng bagay, ay kapiling natin. Sa panahon ng matinding pagsubok, kailangan pa ba natin ang isang tanda? Opo, natural lang na matakot o mangamba tayo. Subali’t nais Niyang sabihin sa atin: “Narito ako, kasama mo ako.” Patuloy na nagpapahiwatig at nagpapakilala sa atin si Hesus, nguni’t madalas di natin Siya nakikilala, di natin nakikita ang Kanyang kabutihan. Ipaubaya natin kay Hesus ang lahat nating pangangailangan at ang anumang bumabagabag sa atin. Kapanalig/, sapat na ang lahat, kung kasama natin si Hesus! Siya ang ating pag-asa.Manalangin tayo: “Panginoon, tulungan Mo po kami upang mapagtanto namin ang Iyong kabutihan at kagandahang-loob. Salamat po sa lahat ng mga biyayang patuloy na ipinagkakaloob Mo sa amin. Amen.”


 [JT1]