Daughters of Saint Paul

Pebrero 19, 2025 – Miyerkules, Ika-6 na Linggo sa karaniwang Panahon

Ebanghelyo: MARCOS 8,22-26

Pagpasok ni Hesus at ng kanyang mga alagad sa Betsaida, isang bulag ang dinala sa kanya at hiniling sa kanyang hipuin ito. Inakay ito ni Hesus sa labas ng bayan, pinahiran ng laway ang mga mata nito at ipinatong ang kanyang kamay. At saka niya ito tinanong: “May nakikita ka ba?” Tumingin ang tao, at sinabi nito:” Parang mga punongkahoy ang nakikita ko pero lumalakad, tiyak na mga tao ito.” Kaya agad na pinatong ni Hesus ang kanyang mga kamay sa mga mata nito, at nakakilala siya at gumaling, at nakita nga niya nang malinaw ang lahat. Pinauwi ito ni Hesus sa pagsasabing: “Huwag kang pumasok kahit na nasa nayon

Pagninilay:

Sa ating Ebangelo ngayon, may mapapansin tayong kakaiba sa himala na ginawa ni Hesus para sa lalaking bulag. Una, inilayo ni Hesus ang bulag sa karamihan ng tao. Pangalawa, di gaya sa iba na sa isang salita o hawak lamang ay gumagaling na ang may sakit; tinanong ni Hesus ang bulag kung ano ang kanyang nakikita. Nang sumagot ang bulag na malabo pa rin ang kanyang paningin, muling hinawakan ni Hesus ang kanyang mga mata at saka lamang ito tuluyang gumaling. Progressive o unti-unti at hindi instant ang healing.

Maihahambing natin ang ating sarili sa lalaking bulag. Ipinanganak tayong spiritually blind. Hindi natin makukuha ang ating paningin sa pamamagitan ng sariling pagsisikap; ito ay kaloob ng Ama sa atin. Ang Diyos ay magpapadala nang isang tao o isang pangyayari na maglalapit sa atin kay Hesus. Dadalhin tayo ni Hesus sa isang tahimik na lugar at bubuksan ang mga mata ng ating puso sa katotohanan ng Kanyang pag-ibig at awa. Unti-unti, matututo tayong makilala, mahalin, at magtiwala sa Kanya. Samantala, hindi lamang tayo dapat magpatuloy sa pagsisikap na makita Siya sa ating buhay, ngunit nararapat ring ibahagi natin ang Mabuting Balita ng ating kaligtasan sa mga kapwa nating bulag.Manalangin tayo. Ama, buksan mo ang aking mga mata upang Ikaw ay makita ko sa aking kapwa, sa kalikasan, at sa mga pangyayari sa aking buhay. Bigyan mo ako ng biyaya na maibahagi ang Iyong pag-ibig at awa, at sama-sama, nawa’y luwalhatiin Ka namin. Amen.