Daughters of Saint Paul

Pebrero 23, 2025 – Ika-7 Linggo sa Karaniwang Panahon (K)

Ebanghelyo:  LUCAS 6,27-38

Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Sinabi ko sa inyong mga nakikinig: mahalin n’yo ang inyong mga kaaway, gawan n’yo ng mabuti ang mga napopoot sa inyo, pagpalain ang mga sumusumpa sa inyo, ipagdasal ang mga tumatrato sa inyo ng masama. Sa sumasampal sa iyo sa isang pisngi, iharap mo rin ang kabila. Sa umaagaw ng iyong kamiseta, huwag mong itanggi ang iyong sando. Magbigay ka sa sinumang humihingi sa iyo; at kung may kumuha ng iyong ari-arian, huwag mo nang hingin pa uli. Kaya gawin n’yo sa mga tao ang gusto ninyong gawin nila sa inyo. Kung minamahal ninyo ang mga umiibig sa inyo, ano ang kahanga-hanga roon? Minamahal din ng mga makasalanan ang mga nagmamahal sa kanila. Kung ginagawa ninyo ang mabuti sa mga gumagawa nito sa inyo, ano ang kahanga-hanga roon? Iyon din ang ginagawa ng mga makasalanan. Kung nagpapautang kayo sa sa mga inaasahan ninyong makapagbabayad, ano ang kahanga-hanga roon? Nagpapautang din ang mga makasalanan sa mga makasalanan para matanggap ang katumbas. Sa halip ay mahalin n’yo ang inyong mga kaaway; gumawa kayo ng mabuti at magpautang na walang inaasahang anuman. Kaya gagantimpalaan kayo ng malaki at magiging mga anak ng Kataas-taasan dahil butihin siya sa mga walang-utang-na-loob at masasama. Maging maawain kayo gaya ng inyong Amang maawain. Huwag kayong humatol, at hindi kayo hahatulan; huwag n’yong sumpain ang sinuman, at hindi kayo susumpain; magpatawad kayo, at kayo’y patatawarin. Magbigay kayo, at kayo’y bibigyan—isang saganang takal, siksik, liglig at umaapaw ang ibubuhos nila sa inyong kandungan. Sapagkat susukatin kayo sa sukatang ginagamit ninyo.”

Pagninilay:

Nabasa mo na ba ang buong Bibliya? Tiyak na kung nabasa mo na ito, meron ka ring paboritong Bible verse. Kung hindi lahat, siguro marami sa atin ay memorized ang buong aklat ng bibliya. Ang iba naman sa atin ay pinipili lang kung anong bible verse ang gusto nating sundin. Halimbawa kung sinasabi sa bibliya: “Ang sino mang sumusunod sa Diyos, lalaki ang kanyang biyaya.” Sigurado, lahat ay susunod sa Panginoon kasi maraming biyaya ang matatanggap.

Mga kapanalig, paano kaya kung ang marinig natin sa Panginoong Hesus Kristo  ay ang sinabi niya sa Mabuting Balita ngayon: “…..Ibigin ninyo ang inyong mga kaaway, gawan ninyo ng mabuti ang mga napopoot sa inyo, pagpalain ninyo ang mga sumusumpa sa inyo, idalangin ninyo ang mga umaapi sa inyo. Kapag sinampal ka sa isang pisngi, iharap mo rin ang kabila…”?           Nakatitiyak akong maraming aalma sa atin. Siguro sasabihin natin: “Hindi pwede ‘yan, Panginoon. Nasaktan ako! Kailangan kung gumanti sa aking mga kaaway.”  Ito ang madalas na nangyayari, pinipili lang natin ang gusto nating marinig kay Hesus.  Parang nag-che-cherry picking lang tayo pagdating sa pagbabasa ng Mabuting Balita. Mga kapanalig, mahirap ang magpatawad pero ito ay posible sa tulong ng biyaya ng ating Panginoon. Mismo ang ating Panginoong Hesukristo ay naniniwala, na may kakayahan tayong magpatawad at mahalin ang ating mga kaaway. Hindi naman iuutos ng Diyos sa atin kung hindi natin kaya ang magmahal at magpatawad. Talagang mahirap ang magpatawad at magmahal ng kaaway. Ngunit sa tuwing tayo ay nagpapatawad at nagmamahal ng ating mga kaaway, iniaangat natin ang ating natura mula sa pagiging tao at tayo’y nagiging banal.