Ebanghelyo: MARCOS 9,14-29
Pagbalik nina Hesus, Pedro, Jaime, at Juan sa mga alagad, nakita nilang napakaraming tao ang nakapalibot sa kanila at nakikipagtalo naman sa kanila ang mga guro ng Batas namangha ang lahat pagkakita sa kanila at tumakbo sila para batiin siya. Itinanong naman niya sa kanila: “Bakit kayo nakikipagtalo sa mga ito? “At sinagot siya ng isang lalaki mula sa mga tao: “Guro, dinala ko sa iyo ang aking anak na lalaki na inaalihan ng isang piping espiritu at kung hinahagip siya nito inilulugmok siya sa lupa bumubula ang kanyang bibig nagngangalit ang mga ipin at naninigas, hiningi ko sa iyong mga alagad na palayasin ito subalit hindi po nila kaya. Sumagot si Hesus “mga ligaw na tao kayo gaano pa katagal akong mananatili sa piling ninyo hanggang kailan ako magtitiis sa inyo, dalhin siya rito sakin.” At pinalipit nila siya kay Hesus pagkakita sa kanya ng espiritu pinangatog nito ang bata at inilugmok sa lupa kaya nagpagulong-gulong siya at bumubula ang bibig. Tinanong naman ni Hesus ang ama: “Gaano na katagal na nangyayari ito sa kanya?” At sumagot ang ama: “Sapul pa sa pagkabata at madalas nga siyang inihahagis sa apoy o sa batis para patayin. Ngunit kung kaya mo, maawa ka sa amin, at pakitulungan kami.” Sinagot siya ni Hesus: “Ano itong ‘kung kaya mo’? Lahat ay posible sa sumasampalataya.” at agad na sumigaw ang ama ng bata sa pagsasabing “Sumasampalataya ako pero tulungan mo ang kaunti kong pananampalataya.” Nakita ni Hesus na nagsisitakbo at lumalapit na ang mga tao kaya iniutos niya sa masamang espiritu: “Pipi at binging espiritu, iniutusan kitang lumabas sa kanya at huwag nang bumalik.” Nagsisigaw ang espiritu at nilugmok sa lupa ang bata bago lumabas at animoy patay ang bata kaya marami ang nagsabing patay. Ngunit pagkahawak ni Hesus sa kamay nito, pinabangon niya ito at pinatindig. Pagkapasok ni Hesus sa bahay, tinanong siya ng mga alagad ng sarilinan:” “Bakit hindi namin napalayas ang espiritu?” Sinabi ni Hesus sa kanila: “Sa panalangin lamang mapapalayas ang ganitong espiritu.”
Pagninilay:
Walang dudang pagkadismaya ang naramdaman ni Jesus sa ibang mga alagad, sa maraming tao, gayundin sa mga tagapagturo ng Kautusan. “Lahing walang pananampalataya! Hanggang kailan pa ba ako mananatiling kasama ninyo? Hanggang kailan ko kayo pagtitiisan?” Sa dinami-dami nga naman ng nasaksihan nilang pagpapagaling, pagpapalayas sa masamang espiritu at mga himalang ginawa ni Jesus, tila wala pa rin silang ni bahid ng pananampalataya. Habag at malasakit ang nag-udyok kay Jesus upang palayain ang batang sinasapian ng masamang espiritu. Hindi bago sa atin ang tema ng Mabuting Balita ngayon dahil paulit-ulit na natin itong narinig. Suriin natin ang ating sarili, ano nga ba ang Surin pumipigil sa atin upang tayo’y tunay na sumampalataya kay Jesus? Nagdarasal ngunit hindi marunong maghintay. Naiinip agad. Pinapangunahan ang Panginoon at minsan, tinuturuan pa Siya kung ano ang dapat Niyang gawin ayon sa ating kalooban. Frustrated kapag hindi nasunod ang nais. Kadalasa’y mas bilib sa sarili o sa mga politiko kesa sa Panginoon. Sila daw ang ating pag-asa sa kabila ng katotohanang hindi na mabilang ang mga pagkakataong hindi nila tinupad ang kanilang mga pangako. Tapat ang Panginoon at ni minsan hindi Niya tayo binigo. Sa patung-patong na biyayang ipinagkaloob Niya sa atin, ano pa ba ang dahilan upang hindi tayo kumapit at manalig sa Kanya? Batid ng Diyos ang tamang panahon upang tugunan ang ating panalangin. Sa Kanya tayo umasa. Maghintay, sumampala-taya, magtiwala, manalig! Mula kay Jesus, “mangyayari ang lahat sa sinumang may pananampalataya.”