Ebanghelyo: MARCOS 9:30-37
Umalis sa bundok si Hesus at ang kanyang mga alagad at nagsimulang dumaan sa Galilea. Gusto niya na walang sinumang makaalam sapagkat tinuturuan niya ang kanyang mga alagad. At sinabi niya sa kanila: “Ibibigay ang Anak ng Tao sa kamay ng mga tao. Papatayin nila siya ngunit pagkapatay nila sa kanya, babangon siya sa ikatlong araw.” Kaya lubha silang nalungkot. Hindi nila ito naintindihan at hindi rin sila nangahas magtanong sa kanya. Pagdating nila sa Capernaum, nang nasa bahay na siya, tinanong niya sila: “Ano ang pinag-uusapan n’yo sa daan?” At hindi sila umimik; pinagtatalunan nga nila sa daan kung sino ang mas una. Kaya naupo siya at pagkatawag sa Labindalawa ay sinabi sa kanila: “Kung may gustong mauna, maging huli siya sa lahat at lingkod ng lahat.” At pagkakuha niya sa isang maliit na bata, pinatayo ito sa gitna nila at inakbayan at saka sinabi sa kanila: “Tinatanggap ako ng sinumang tumatanggap sa isa sa mga batang ito nang dahil sa aking pangalan. At kung may tumatanggap sa akin, tinatanggap din niya ang nagsugo sa akin.”
Pagninilay:
Ibinahagi po ni Fr. Oliver Par ng Society of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo.
Nang magtalo-talo ang mga alagad ni Hesus kung sino sa kanila ang pinaka-dakila, sinabi Niya sa kanila, “Ang sinumang nagnanais maging una ay dapat maging huli sa lahat, at maging lingkod ng lahat.”
Kapag mataas ang tingin natin sa ating sarili, madalas nagiging mapanukat tayo sa ating nagawa at sa nagawa ng iba. Sa Ebanghelyo natin ngayon, sinasabihan tayo na ang sinumang nagnanais na sumunod kay Kristo ay nararapat lamang na maging mapagpakumbaba.
Hindi isang kompetisyon ang pagiging alagad ng Diyos. Hindi ito pag-uunahan kung sino ang uupo sa kanan at kaliwa. Ito ang palagi nating nalilimutan: ang ating pagsusumikap sa buhay ay hindi isang kompetisyon—kundi kooperasyon sa plano ng Diyos. Ang lahat ng mabubuting bagay dito sa mundo ay ibinigay ng Diyos, hindi para pag-agawan, kundi paghati-hatian natin, upang lahat tayo’y makinabang at umunlad sa buhay.
Manalangin tayo. Panginoon, ibinahagi mo sa amin ang lahat ng iyong grasya nang sa gayon ay makinabang kaming lahat. Ilayo mo nawa kami sa kasalanan ng kasakiman, na siyang sanhi ng kawalang-katarungan sa mundo at kahirapan na dinaranas ng iba naming mga kapatid kay Kristo. Amen.