Daughters of Saint Paul

Pebrero 26, 2025 – Miyerkules, Ika-7 Linggo ng Karaniwang Panahon

Ebanghelyo: MARCOS 9,38-40

Sinabi ni Juan kay Hesus: “Guro, nakita namin ang isang di natin kasama na nagpapalayas ng demonyo sa bisa ng iyong pangalan. Ngunit pinigil namin siya dahil hindi naman natin siya kasama.” At sinabi ni Hesus: “Huwag n’yo siyang pigilan. Wala ngang gumagawa ng himala sa bisa ng aking pangalan na agad na magsasalita laban sa akin. Kakampi natin ang di natin kalaban.”

Pagninilay: Walang gumagawa ng mabuti sa ngalan ng Panginoon kung masama naman ang sinasabi tungkol sa Kanya. Naalala n’yo ba ang sinabi rin ng ating Hesus Maestro na mabuti ang nabibigkas na salita kung puno ng kabutihan ang kanyang puso? Hindi tayo makapagsasalita at makagagawa ng ayon sa kabutihan ng Diyos kung ang puso natin ay nakabaling sa masama. Pansinin natin ang tugon ng ating Hesus Maestro sa mga alagad. Una, Inclusivity. Kahit hindi nila ka-grupo, hayaang gawin ang kanilang mabuting gawa. Ito ang pagtanggap sa kapwa at sa mabuting gawa na walang kinikilingan. Lahat patas sa paglilingkod sa Ngalan ng Diyos. Ikalawa, Love civilization. Pagmamahal ang pundasyon ng mga ugnayan. Ito ang isa sa mga mahalagang aspeto na binanggit ni Pope Francis sa sulat niya sa mga pastol ng Simbahan at para sa ating lahat na Dilexit Nos o “Minahal Niya tayo.” Ang bawat puso natin, magkaugnay ang kaalaman tungkol sa sarili at pagiging bukas sa kapwa. Sadyang ganito dahil ang hibla ng ating pagkatao ay pag-ibig. Nilikha tayo para magmahal at mahalin. Ikatlo, Unity. Pagkakaisa. Kailangan na may unified effort sa mga nagsisikap na gumawa ng tama at ireject ang masama. Gawin natin ito sa Ngalan ng ating Hesus Maestro. I- Inclusivity, L- love civilization, U-Unity. Sa kabila nito, naranasan ko rin na mareject; ang matanggihan ang aking pagsisikap at naiwan ako’ng nag-iisa sa kabila ng hangad kong makatulong. Ganundin ang mamis-interpret ang aking pagpupunyagi. Ibinilang ko ito na sakripisyo sa exclusivity, disunity at ang kahinaan sa civilization of love. Oo, sa simula, nawalan ako ng gana at lakas ng loob, pero kumapit ako sa Bukal ng Pagmamahal. Siya ang aking pag-asa at buhay.  I-Inclusivity, L-love civilization, U-Unity.  I-L-U. I LOVE YOU. Laging tatandaan. Anuman ang ating ginagawa, basta naka-align sa paraan ng pagmamahal ng Panginoon, mapapansin Niya at pahahalagahan ang ating payak na motibasyon at pagsisikap.