Daughters of Saint Paul

Pebrero 27, 2025 – Huwebes, Ika-7 Linggo ng Karaniwang Panahon

Ebanghelyo: Marcos 9, 40-51

Sinabi ni Jesus sa Kanyang mga alagad; “Kung may magpapainom sa inyo ng malamig na tubig alang-alang sa aking pangalan dahil kay Kristo kayo, talagang sinasabi ko sa inyo na hindi siya mananatiling walang gantimpala. Ngunit kung may tumisod at magpadapa sa isa sa maliliit na ito, mas makabubuti pa para sa kanya na itapon sa dagat na may taling malaking bato sa kanyang leeg. Kung ang mga kamay mo ang nagtutulak sa iyo sa kasalanan, putulin mo ito. Mas mabuti pa sa iyo ang pumasok na pingkaw sa buhay kaysa matapon sa walang hanggang apoy ng impiyerno na may dalawang kamay. At kung ang mga paa mo ang nagtutulak sa iyo sa kasalanan, putulin mo ito. Mas mabuti pa sa iyo na pumasok na pilay sa buhay kaysa matapon sa impiyerno na may dalawang paa. At kung ang mga mata mo ang nagtutulak sa iyo sa kasalanan, itapon mo ito. Mabuti pa sa iyo na pumasok sa Kaharian ng Diyos na may isang mata kaysa matapon sa impiyerno na may dalawang mata, kung saan ‘walang tigil ang mga uod sa kanila at walang kamatayan sa apoy.” Buburuhin nga ng apoy ang lahat. Mabuti ang asin, ngunit kong tumabang ang asin papaano nyo ito mapapaalat muli? Magkaroon kayo ng asin sa inyong sarili at mabuhay  sa kapayapaan sa isat isa.

Pagninilay:

Maraming gamit ang asin: ito ay preservative; pampalasa sa ano mang lutuin; ginagamit din itong cleaning agent; may medicinal value din ang asin, at ang binasbasang asin ay ginagamit din sa  pagtataboy sa masasamang espiritu.

Tumatabang ba ang asin? Oo naman. Kapag nababad sa tubig o nahaluan kaya ng iba pang sangkap tulad ng iba’t ibang panimpla o seasoning, tumatabang ang asin. Pag na-expose sa elements (naarawan o naulanan) mababawasan ang alat ng asin. Ang tumabang na asin ay di na aalat pang muli.

Tayong mga Kristiyanong Katoliko ay inihahantulad ng Panginoon sa asin: inaasahan tayong magbibigay “lasa” saan man tayo ilahok. Taglay ang ating matibay na pananalig sa Diyos, tayo ay inaasahang magbibigay sigla saan man tayo ilagay.

Pero kapag tayo ay nabahiran ng mga makamundong damdamin at mga makalupang pagnanasa, ang ating “alat” ay nababawasan at maaring tuluyang mawala. Kung ang puso natin ay pinamamahayan ng kayabangan, galit, inggit, o sama ng loob, mawawalan tayo ng bisa. Maging mapagbantay! Kapag nakakaramdam ng panghihina o kawalang-gana sa ating mga gawain para sa Panginoon, tumigil sandali … magpahinga … magnilay … manalangin … upang magbalik ang sigla at di mawala ang ating “alat”.

Sinabi ng ating Panginoon: ”taglayin Ninyo sa inyong mga puso ang kagalingan ng asin at magiging mapayapa ang inyong pagsasamahan.” Sundin natin ang payo niya. Sikapin nating magbigay “lasa” at sigla, saan man tayo ilagay. Ibuhos natin ang ating “alat” para sa kabutihan ng ating kapwa at sa kapurihan ng Diyos, at hindi tayo mabibigo.