Ebanghelyo: MARCOS 10:1-12
Nagpunta si Hesus sa probinsiya ng Judea, sa kabilang ibayo ng Ilog Jordan. At napakaraming tao naman ang nagdatingan. At muli niya silang tinuruan gaya nang dati. At lumapit ang ilang Pariseo na gusto siyang subukan at tinanong nila siya: “Pinahihintulutan bang diborsiyuhin ng lalaki ang kanyang asawa sa anumang dahilan?” Itinanong naman niya: “Ano ang iniutos ni Moises” At sinabi nila: “Ipinahintulot ni Moises na paalisin ang babae pagkabigay sa kanya ng kasulatan ng diborsiyo.” Sinabi naman ni Hesus sa kanila: “Alam ni Moises na matigas ang inyong puso kaya sinulat niya ang kautusang ito. Ngunit sa simula’y ginawa sila ng Maykapal na lalaki at babae, at dahil dito, iiwan ng lalaki ang kanyang ama at ina at magigigng iisang katawan ang dalawa. Kung gayo’y hindi na sila dalawa kundi iisang katawan lamang kaya huwag paghiwalayin ng tao ang pinagbuklod ng Diyos.” Nang nasa bahay na sila, tinanong siyang muli ng mga alagad. At sinabi niya sa kanila: “Kung may lalaking magpaalis sa kanyang asawa at saka magpakasal sa iba, nakiapid siya. At kung ang babae naman ang magpaalis sa lalaki at magpakasal sa iba, nakikiapid din siya.
Pagninilay:
Marahil isa sa mga mahirap makatrabaho ay isang taong “toxic”. Maituturing na “toxic” sa opisina ang katrabaho mong “sipsip” o ang ‘yung mga dumidikit sa mga nasa itaas para mauna at maka-angat. Gagawin nila kahit ano––mula sa pagiging personal na alalay ng kanyang amo hanggang sa paninirang-puri ng katrabaho––para lamang makamit ang posisyon at ang kapangyarihang kaakibat nito–hindi ang responsibilidad. Ngunit kung iisipin, naging tama ba ang pamamaraan sa pagkamit ng “tagumpay”? Ika nga sa isang kasabihan, “The end does not justify the means.”
Sa tagpo ng Mabuting Balita ngayon, kataka-takang binanggit ang pakay ng mga Pariseo para magtanong kay Hesus––nais nila siyang masilo. Ang tanong tungkol sa katwiran ng paghihiwalay ng mag-asawa ay isa palang entrapment operation! Nakalulungkot isipin na tungkol sa diborsyo ang kanilang tanong kay Hesus dahil niloob ng Diyos ang pag-iisang-dibdib bilang isang sakramento ng natatanging pagmamahalan ng Diyos at ng kanyang bayan. Hindi lamang malisyoso ang tanong; baluktot pa ang katanungan! Kaya naman agad pinuna ni Hesus ang rason ng diborsyo at ng kanilang pagtatanong: katigasan ng ulo at katigasan ng puso!
Mga /kapanalig, hindi matutupad ng ating katigasan ng ulo’t puso ang kalooban ng Diyos. Hinahangad ng Diyos ang ating ikabubuti ngunit kung hindi tayo makikiayon sa paanyaya ng kanyang biyaya, hindi natin mararating ang kaganapan ng ating buhay, lalo na ang ligaya ng pakikipagkaisa na siyang simbolo ng pag-iisang-dibdib. Hilingin natin ang biyaya ng pagpapakumbaba upang mas handa tayong makinig at dali-daling tumupad sa kalooban ng Diyos. Sapagkat tanging sa Kanyang kalooban ang ating kaganapan at kapayapaan.