Lk 11:27-28
Habang nagsasalita pa si Jesus, isang babae mula as sa maraming tao ang malakas na nagsabi sa kanya: “Mapalad ang nagdala sa iyo sa kanyang sinapupunan at nagpasuso sa iyo.” Ngunit sumagot si Jesus: ”Kaya talagang mapalad ang mga nakikinig sa Salita ng Diyos at tumutupad nito.”
REFLECTION
Tahasan at walang paliguy-ligoy ang panawagan ng Panginoon sa Ebanghelyong ating narinig: “Mapalad ang mga nakikinig sa salita ng Diyos at tumutupad nito.” Kayong masugid na sumusubaybay ng programang Bagong Umaga araw-araw, sinasabi sa inyo ng Panginoon ngayon na, “Mapalad kayo!” Pero higit sa pakikinig – naririyan din ang pagsusulit ng Panginoon – kung naisasabuhay ba natin ang hamon ng Mabuting Balitang ating napakikinggan at napagninilayan. Mga kapatid, higit sa pakikinig – inaasahan ng Panginoong magbunga sa ating buhay pananampalataya at pakikipagkapwa-tao ang Salita ng Diyos. Walang saysay ang pakikinig sa Salita ng Diyos kung lumalabas lamang ito sa kabilang tenga, at hindi nagdudulot ng pagbabago ng ugali o pagkatao sa taong nakarinig. Kaya mahalagang pinaghahandaan natin ang pakikinig sa Salita ng Diyos. Kailangang bukas ang ating puso at isip sa pagtanggap ng Banal na Salita. Kaya sa tuwing tayo’y nagsisimba, makabubuting maglaan tayo ng lima o sampung minutong pananahimik bago mag-umpisa ang Banal na Misa. Makabubuti ring basahin na natin ang mga pagbasa. At higit sa lahat hingin natin ang presensiya ng Banal na Espiritu na paliwanagan ang ating puso at isip – nang maunawaan natin ang mensaheng nais ipabatid ng Diyos sa atin. Kung seryoso tayong isabuhay ang ating pananampalatayang Kristiyano – kailangang seryosohin din natin ang pakikinig at pag-aaral sa Salita ng Diyos – nang magbunga ito ng siksik, liglig at umaapaw na mga biyaya sa ating buhay. Manalangin tayo. Panginoon, kasihan Mo po ako ng Iyong Banal na Espiritu nang maunawaan ko ang Iyong Salita. Pagkalooban Mo po ako ng matatag na pananampalatayang mapanindigan at maisabuhay ang hamon ng Salitang aking napagnilayan. Sa tulong-panalangin ng Mahal na Birheng Maria ng Rosaryo, lumago nawa ako sa pagsabuhay ng Iyong Salita. Amen.