Lk 17:11-19
Habang papunta si Jesus sa Jerusalem, dumaan siya sa hangganan ng Samaria sa Galilea. At pagpasok niya sa isang nayon, may sampung lalaking may ketong ang lumabas para salubungin siya. Tumayo ang mga ito sa malayo at tumawag ng malakas: “Jesus, Guro, maawa ka sa amin.” At sinabi naman sa kanila ni Jesus: “Umalis kayo at humarap sa mga pari.” At nangyari na gumaling sila habang naglalakad. Isa sa kanila ang agad na nagbalik nang makita niyang gumaling siya, at pasigaw niyang pinuri ang Diyos. Nagpatirapa siya sa paanan ni Jesus, sa pagpapasalamat sa kanya. Isa siyang Samaritano.
Kaya sinabi ni Jesus: “Hindi ba't sampu ang gumaling? Nasaan ang siyam? Wala bang bumalik para magpuri sa Diyos kundi ang dayuhang ito?” At sinabi sa kanya ni Jesus: “Tumayo ka, iniligtas ka ng iyong pananampalataya.”
REFLECTION
Mga kapatid, isang detalye sa Ebanghelyong ating narinig ang mahalagang bigyang-pansin. Magkakasama ang sampung ketongin sa pagsalubong kay Jesus upang pagalingin sila – Judio at Samaritano. Nabuwag ang mahigpit na alituntunin ng Judiong huwag makisalamuha sa mga samaritanong itinuturing nilang marurumi. Pero sa pagkakataong ito, pinagsama sila ng kanilang nakakahiyang kalagayan. Pare-pareho lang silang may “lamat” sa kanilang pagkatao. Sa gitna ng pangangailangan, nabuo ang pagkakaisa at nabalewala ang batas ng paghihiwalay. Sa “lamat” ding iyon tinagpo sila ni Jesus at pinagaling. Pero, sa kasamaang-palad, isa lamang sa kanila ang bumalik para magpasalamat – ang samaritano. Tila siya lamang ang nakaunawa sa kahulugan ng nangyaring pagpapagaling. Sinamahan siya ni Jesus sa lamat ng kanyang pagkatao. Sa pagyakap ng Panginoon sa kanyang pagkatao, muli nitong binuo ang mga nawasak na kaugnayan niya sa sarili, sa pamayanan at sa Diyos. Mga kapatid, pinagagaling din ng Panginoon ang lamat ng ating pagkatao sa tuwing nagbabalik-loob tayo sa Kanya sa Sakramento ng Kumpisal. Tayong tumanggap ng Kanyang kapatawaran at pagpapala, inaasahan ding magpatawad sa mga taong nagkasala sa atin, at maging bukal ng pagpapala sa mga kapatid nating nangangailangan. Sa ganitong paraan naipapahayag natin sa Diyos ang ating taos-pusong pasasalamat, sa tuwing nagiging daluyan tayo ng Kanyang biyaya at pagpapala para sa iba. Hingin natin sa Diyos ang biyayang ito. Panginoon, hilumin Mo po ang lamat ng kasalanang naglalayo sa akin Sa’yo at sa aking kapwa. Gamitin Mo po akong daluyan ng Iyong biyaya at pagpapala lalo na sa mga nawawalan na ng pag-asa. Amen.