Ebanghelyo: MATEO 6,1-6, 16-18
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Mag-ingat na hindi maging pakitang tao lamang ang inyong mabubuting gawa. Kung ganito ang gagawin n’yo, wala na kayong gantimpala sa inyong Amang nasa langit. Kaya pag nagbibigay ka ng limos, huwag pahipan ang trumpeta sa unahan gaya ng ginagawa ng mga mapagkunwari sa sinagoga at sa mga daan; gusto nilang mapuri ng mga tao. Sinisiguro ko sa inyo na nagantimpalaan na sila nang husto. “Kaya kung ikaw naman ang magbibigay ng limos, huwag ipaalam sa iyong kaliwang kamay ang ginagawa ng iyong kanang kamay; at mananatiling lihim ang iyong paglilimos at ang iyong Amang nakakakita sa mga lihim ang siyang gagantimpala sa iyo. …At kung ikaw naman ang mananalangin, pumasok sa iyong silid, isara ang pinto at manalangin sa iyong Ama na kasama mo nang lihim; at ang iyong Ama na nakakakita sa ipinaglilihim ang gagantimpala sa iyo… Kung ikaw naman ang mag-aayuno, maghilamos at ayusin ang sarili sapagkat hindi ka nag-aayuno na pakitang tao lamang kundi para sa iyong Amang nakakakita sa lahat. At gagantimpalaan ka ng iyong Amang nakakakita sa lahat ng lihim.”
Pagninilay:
Taon-taon, hudyat ng pagsisimula ng panahon ng Kuwaresma ang Miyerkules ng Abo. Sunod ito sa apatnapung araw na ginugol ni Jesus sa ilang kung saan taimtim siyang nanalangin at nag-ayuno hanggang tuksuhin siya ng diablo ng tatlong ulit. Sa Lumang Tipan ginawa rin ng mga Judio ang dibdibang pag-aayuno at pananalangin sa Diyos sa harap ng kanilang pagiging makasalanan. Nang salakayin ng mga balang ang kanilang mga pananim, at nang lumaganap ang tagtuyot, hanggang mamatay pati mga alaga nilang mga hayop, hinikayat ni propeta Joel ang mga Judio na magsisi sa kanilang mga kasalanan, magtiwala sa habag at awa ng Diyos at mag-ayuno at tumawag sa Panginoon. Ang pagtalikod nila sa kasamaan at mga kasalanan at ang pagsamo nila kay Yaweh ang tanging paraang ibinigay ni propeta Joel kung paano maibabalik ang pag-asa sa mga Judio.
Sa panahon ni propeta Joel, tinipon ang lahat para magdalamhati at manalangin – matatanda’t bata, pati mga sanggol at maging ang mga bagong kasal, sa pangunguna na rin ng mga saserdote. Sa panahon natin, lahat din tayo’y inaanyayahan na pumasok sa panahon ng Kuwaresma sa diwa ng pagsisisi sa ating mga kasalanan at mag-ukol ng taimtim na pananalangin at pag-aayuno. Iba man ang sakripisyong hinihingi sa bawat isa sa atin, tingnan nawa natin ang panahong ito bilang pagtawid mula sa panahon ng tagtuyot patungo sa panahon ng tagsibol, mula sa kamatayan patungo sa bagong buhay na hangad ng Diyos para sa atin.
Manalangin tayo: Panginoon, salamat po sa pagkakaloob mo sa amin ng panibagong panahon ng Kuwaresma. Ang abo sa aming noo ay pagpapaalala mo sa amin ng aming karupukan bilang iyong mga nilalang.