Lk 11: 29-32
Nang dumadagsa na ang mga tao, nagsimulang magsalita si Jesus; “Masamang lahi ang lahing ito; humihingi ito ng palatandaan pero walang ibang palatandaang ibibigay dito kundi ang palatandaan ni Jonas. At kung paanong naging palatandaan si Jonas para sa mga taga-Ninive, gayundin naman ang anak ng Tao para sa mga tao sa kasalukuyan. Sa paghuhukom, babangon ang Reyna ng Timog kasama ang mga lalaki ng lahing ito at hahatulan sila. Sapagkat dumating siya mula sa kabilang dulo ng mundo para masaksihan ang karunungan ni Solomon; at dito’y may mas dakila pa kay Solomon. Sa paghuhukom, babangon ang mga lalaking taga-Ninive kasama ng salinlahing ito at hahatulan nila ito dahil nagbalik loob sila sa pangangaral ni Jonas; at dito’y may mas dakila pa kay Jonas.”
REFLECTION
Mga kapatid, likas sa ating mga tao ang maghanap ng palatandaan bago paniwalaan ang isang bagay o pangyayari. Hindi tayo madaling maniwala sa mga haka-haka o sa isang salita lamang nang walang konkretong basehan. Ang mga Pariseo noong panahon ni Jesus, hindi naniniwalang Anak Siya ng Diyos. Kung kaya’t humihingi sila ng palatandaang magpapatunay na Siya nga ang Anak ng Diyos. Pinatunayan ni Jesus sa Mabuting Balita ngayon na Siya lamang ang natatanging tanda sa mga tao sa kasalukuyan – tandang mas nakahihigit pa kaysa kay Jonas. Buong pagmamahal Niyang inialay ang buhay para sa ating kaligtasan; at pinagtagumpayan Niya ang kamatayan sa pamamagitan ng Kanyang muling pagkabuhay. Tayong mga Kristiyanong tumanggap ng binyag sa tubig at Espiritu– inaasahan ding maging masigasig at matatag sa pagharap sa mga pagsubok. Kung ang ating Panginoon nga dumanas ng Biyernes Santo at pagkatapos ng tatlong araw nabuhay na mag-uli – tayo ding mga tagasunod Niya – makararanas din ng kagalingan at kaginhawan matapos ang pagsubok na dinaranas natin sa kasalukuyan. Mga kapatid, sa tuwing nakararanas tayo ng mabibigat na pagsubok sa buhay, tingnan natin si Jesus na nakabayubay sa Krus. Hindi maikukumpara ang hirap at pasakit na dinanas Niya alang-alang sa pagmamahal sa atin. Siya ang malinaw na tanda ng walang-hanggang pag-ibig ng Diyos Ama sa atin, ang tandang hindi kailanman magagapi ng kasalanan at kamatayan hanggang katapusan. Umasa tayo sa Kanya.