Daughters of Saint Paul

Marso 3, 2025 – Lunes ng Ika-8 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)

Ebanghelyo: MARCOS 10,17-27

Isang tao ang patakbong sumalubong kay Hesus at paluhod na nagtanong: “Mabuting guro, ano ang dapat kong gawin para magmana ng walang hanggang buhay?” Sumagot sa kanya si Hesus: “Bakit mo ako tinatawag na mabuti? Walang mabuti kundi ang Diyos lamang. Alam mo ang mga utos: Huwag papatay, wag makiapid, wag magnakaw, wag manirang puri sa kanyang kapwa, wag mandaya, igalang ang iyong ama’t ina. Sinabi sa kanya ng tao: Sinunod ko ang lahat ng ito mula pagkabata, ano pa ang kulang ko?” Kaya tinitigan siya ni Hesus at minahal siya at sinabi: “Isa ang kulang sa iyo. Umuwi ka at ipagbili ang lahat ng iyo at ibigay sa mga dukha at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. At saka ka bumalik para sumunod sa akin.” Pinanghinaan ng loob ang tao sa salitang ito at umalis na malungkot sapagkat napakayaman niya. Kaya tumingin si Hesus sa paligid at sinabi sa kanyang mga alagad: “Napakahirap ngang pumasok sa Kaharian ng Diyos ang mga may kayamanan.” Takang-taka ang mga alagad  sa pananalitang ito. Kaya muling sinabi sa kanila ni Hesus: “Mga anak, napakahirap ang pumasok sa Kaharian ng Diyos! Oo, mas madali pa para sa kamelyo ang lumusot sa butas ng karayom kaysa pumasok ang isang mayaman sa Kaharian ng Diyos.” Lalo pang namangha ang mga alagad at nag-usap-usap: “Kung gayon, sino ang maliligtas?” Tinitigan sila ni Hesus at sinabi: “Imposible ito para sa tao pero hindi para sa Diyos; lahat ay posible para sa Diyos.”

Pagninilay:

Mali ba kapag mayaman ka? Paano kung namana mo ang masaganang buhay o talagang pinagsumikapan mo ito? You can read between the lines ang tugon ng ating Hesus Maestro. Hindi mali ang maging rich. Ang problema lang, baka masyado tayong attached sa yaman at wala tayong kamalay-malay na dine-detach na natin ang ating sarili sa Diyos. Nakakapagod kayang tugisin ang yaman. Mauuwi tayo sa habol ng habol. Ang resulta? Trouble! Wala na tayong kasiyahan. Kay daming naganap sa dalawang buwan ng bagong taon. Ang mga yaman, natupok ng malalaking dila ng apoy. Naging abo ang mga pinag-ipunang ari-arian. Nang nakaraan ding buwan, sa kabila ng mga naganap dito sa lupa, kay gandang pagmasdan sa kalawakan ang parade of planets na nagpapaalala ng tunay na yaman ng Diyos. Tulad sila na nakahanay na alahas ng pag-ibig, kapayapaan, ligaya, kabutihan, katapatan, pag-asa. So, what’s wrong with being rich? Kung ang pundasyon ay ang yaman ni Lord, wala na tayong hahanapin pa.