Ebanghelyo: Mt 9:14-15
Lumapit kay Jesus ang mga alagad ni Juan at nagtanong: “May araw ng ayuno kami at ang mga Pariseo, at wala bang pag-aayuno ang iyong mga alagad?” Sinagot sila ni Jesus: “Puwede bang magluksa ang mga abay sa kasalan habang kasama pa nila ang nobyo? Darating ang panahon na aagawin sa kanila ang nobyo at sa araw na iyon sila mag-aayuno.”
Pagninilay:
Sa Ebanghelyo ngayon, itinuro ni Jesus na may tamang panahon at lugar ang pag-aayuno at pagluluksa. Maaaring mabulag tayo ng mahigpit na pagpapasunod sa mga utos nang walang habag, at makalimutan nating mahalin ang Diyos at ang ating kapwa.
Naranasan ko ito noong gumaling ang Lola ko matapos ang isang mahabang karamdaman. Kuwaresma noon at panahon ng pag-aayuno at abstinence. Pero nagdiwang ang aming pamilya nang may pasasalamat. Naghanda kami at nagpasalamat sa Diyos sa regalo ng buhay at kalusugan. Hindi naman nabawasan ng pagsasaya ang halaga ng disiplina sa Kuwaresma. Ngunit sumalamin ito sa turo ni Kristo na dapat pahalagahan at ipagdiwang ang buhay at mga kaloob niya. Kailangan nating balansehin ang kataimtiman sa kagalakan, mga utos nang may pang-unawa, at disiplina nang may pag-ibig. Inaanyayahan niya tayong tingnan ang mga tao at sitwasyon nang may pusong puno ng habag.
Ang daming paghihirap sa ating mundo. Oo nga’t ginagabayan tayo ng mga tuntunin at tradisyon, pero tinatawag din tayong unahin ang pagmamahal at awa. Sa ating mga pamilya, ipagdiwang natin ang pagpapagaling at pagkakaisa, pagyamanin natin ang pasasalamat kahit sa mga oras ng pagsasakripisyo. Tingnan natin kung paano natin isinasabuhay ang ating pananampalataya. Mas nakatuon ba tayo sa mga bawal gawin, o naghahanap tayo ng paraan upang makapagbigay ng kagalakan at pag-asa sa iba? Sa panahon ng kahirapan, maaaring ang pag-aayuno ay ang pag-iwas sa paghusga, sa galit at sama ng loob, at sa pagkamakasarili. Pinapalitan ang mga ito ng kabaitan, pagmamahal at pakikiramay.
Manalangin tayo:
Panginoong Hesus, turuan mo kaming mamuhay nang may pusong puno ng habag. Masundan nawa namin ang Iyong pag-ibig, magsaya sa mga sandali ng pagpapagaling at pag-asa, at magdala ng Iyong liwanag sa iba. Nawa’y lagi kaming magpasalamat sa handog ng buhay at ibahagi ito nang may kabutihan. Amen.