Daughters of Saint Paul

Marso 8, 2025 – Sabado

Ebanghelyo: Luke 5:27-32

Nakita ni Jesus ang isang kolektor ng buwis na nagngangalang Levi na nakaupo sa paningilan ng buwis. Sinabi niya rito: “Sumunod ka sa akin.” Tumayo naman ito, iniwan ang lahat at sumunod sa kanya. Naghandog sa kanya si Levi ng isang marangyang handaan sa kanyang bahay at nakisalo sa kanila ang maraming kolektor ng buwis at iba pang nga tao. Dahil dito’y pabulong na nagreklamo sa mga alagad ni Jesus ang mga Pariseo at ang mga guro ng Batas na panig sa kanila: “Bakit kayo kumakain at umiinom kasama ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan?” Sumagot naman si Jesus at sinabi sa kanila: “Hindi ang mga malulusog ang nangangailangan ng doktor kundi ang mga maysakit. Hindi ako pumarito para tawagin ang mabubuti kundi ang mga makasalanan tungo sa pagbabalik-loob. 

Pagninilay:

Kapag may nag-aaya sa atin, dalawang tanong agad ang pumapasok bago tayo sumagot: Una, sino ang nag-aaya? Kung kaibigan, madali tayong sumama. Kung hindi natin masyadong kilala, nagdadalawang-isip tayo. Pangalawa, sino ang kasama? Dahil kahit gusto natin ang nag-aaya, kung hindi tayo kumportable sa kasama, malamang hindi rin tayo pupunta. Sa Mabuting Balita ngayon, may isang hindi inaasahang imbitasyon. Si Jesus mismo ang nagyaya—at ang inaya Niya? Isang tax collector, si Levi. “Sumunod ka sa akin.” Walang paliwanag, walang kondisyon. Pero si Levi, hindi nagtanong, hindi nagduda. Iniwan ang lahat at sumunod. At saan siya dinala? Sa isang piging kasama ang mga makasalanan. At dito papasok ang pangalawang tanong: Sino ang kasama? Nagulat ang mga Pariseo. “Bakit sila kasama?” Kung si Jesus ay isang guro, bakit Siya nasa piling ng mga makasalanan? Pero ito mismo ang sagot ni Jesus: “Hindi dumating ang Anak ng Tao para sa matuwid, kundi para sa makasalanan.”

Ganito rin ba tayo minsan? Nasa misa, pero mas iniisip kung sino ang naka-shorts. Nasa simbahan, pero mas abala sa pagtingin kung sino ang “hindi dapat” nandoon. Nasa hapag ng Diyos, pero imbes na magpasalamat, naghuhusga kung sino ang kasama. Pero kapag ganito tayo mag-isip, baka hindi tao ang kinukwestyon natin—baka ang Diyos mismo. Dahil Siya ang nangumbida. Siya ang nagbukas ng pinto. Siya ang nag-anyaya ng lahat. Tanungin natin ang ating sarili: Bakit ako kasama? Anong karapatan ko na umupo sa hapag ng Diyos? Sa Ash Wednesday pa lang, pinaalalahanan tayo: Memento mori. Lahat tayo abo. Walang premium at regular, special at extra super. We are all dust, and to dust we shall return. Hindi tayo kasama dahil mabait tayo. Kasama tayo dahil tinawag tayo. Hindi dahil karapat-dapat tayo, kundi dahil may Diyos na patuloy na nagyayaya. Ngayon, tayo naman ang tanungin: Kung ako ang makita ng iba sa hapag ng Diyos, gaganahan ba silang umupo? O mas lalo silang lalayo? Kung gusto nating maging tunay na kasama sa hapag ng Diyos, hindi husga ang ating dala, kundi awa. Hindi pagmamataas, kundi pagpapakumbaba. Hindi pagmamata, kundi pagmamahal. Ang imbitasyon ng Diyos ay hindi lang para sa iyo. Para ito sa lahat. At ang tunay na pasasalamat ay ang pagiging daan upang mas marami pang makaupo sa hapag ng Kanyang biyaya.

Manalangin tayo: Panginoon, salamat sa Iyong imbitasyon. Sa kabila ng aming kahinaan, tinawag Mo kami. Turuan Mo kaming sumunod nang may tiwala at maging bukas-palad sa aming kapwa. Huwag Mo kaming hayaang maging hadlang sa paglapit ng iba sa Iyo. Gawin Mo kaming tunay na kasama sa Iyong hapag, hindi lang tumatanggap kundi nag-aanyaya rin. Amen.