Daughters of Saint Paul

Oktubre 11, 2016 MARTES Ika-28 na Linggo sa Karaniwang Panahon / San Pedro Tuy

Lk 11:37-41

Matapos magsalita si Jesus, inanyayahan siya ng isang Pariseo na kumain sa bahay nito.  Pumasok siya at dumulog sa hapag.  At nagtaka ang Pariseo nang makitang hindi muna siya naghugas ng kamay bago kumain.  Ngunit sinabi sa kanya ng Panginoon: “Kayong mga Pariseo, ugali n’yong linisin ang labas ng mga baso’t pinggan pero nag-uumapaw naman sa kasakiman at kasamaan ang inyong loob.  Mga hangal!  Hindi ba’t ang maygawa ng labas ang siya ring maygawa ng loob?   Pero naglilimos lamang kayo at sa akala n’yo malinis na ang lahat.”

REFLECTION

Sa panahon natin ngayon, hindi na bago sa ating pandinig at tila normal na ang pagpupuna sa mga namumuno sa ating lipunan. Kadalasan, puro kamalian lang ang nakikita natin sa kanila.  Maging sa ating tahanan, komunidad o sa ating pinagtatrabahuhan – madalas na nagiging dahilan ng kaguluhan, samaan ng loob at pag-aaway-away ang mali nating paghusga sa kapwa, na minsan ikinakalat pa natin sa iba. Mga kapatid, sadyang kay bilis nating maghusga.  Pero kung pakasuriin natin ang sarili, kadalasan katulad din nila tayo – nagkakamali, nagkakasala at nagkukulang.  Kaya nga binigyang-diin ngayon ni Jesus sa Ebanghelyo na huwag tayong magmalinis, huwag magkunwari at magpakatotoo tayo.  Aminin nating tayo di’y mahina at nagkakasala.  Kaya mag-ingat tayo sa paghusga sa kapwa. Di ba sa tuwing nalalagay din tayo sa alanganin, madalas nating idinadahilang tayo’y tao lamang – mahina, marupok kaya di maiwasang magkamali?  Kapatid, tama! na tayo’y tao lamang.  Pero sa kagandahang loob ng Diyos, binigyan Niya tayo ng isip at karunungan para gamitin sa tamang paraan. Iyan ang kaibahan natin sa hayop – may kakayahan tayong suriin kung ano ang tama at mali, may kakayahan tayong kontrolin ang bisyo, pita ng laman, at masasamang ugali, at higit sa lahat may Diyos tayong nangungusap sa ating konsensiya sa tuwing namumuhay tayo sa kasalanan.  Kung isasawalang bahala natin ang mga kakayahang ito na bigay ng Panginoon – ano pa ang ikinaiba natin sa hayop?  Mga kapatid, lahat tayo nilikha ng Diyos na mabubuti at kawangis Niya.  Hilingin natin ang biyayang mangibabaw sa atin ang kabutihan ng Diyos nang maiwasan nating maging mapanhusga sa kapwang katulad din nating mahina.  Panginoon, idinudulog ko po sainyo ang aking buong pagkatao. Baguhin Mo po ang ugali kong mapanhusga at makita nawa kita lagi sa aking kapwa. Amen.