Daughters of Saint Paul

Marso 11, 2025 – Martes, Unang Linggo ng Kuwaresma

Ebanghelyo: Mt 6:7-15

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Pag mananalangin kayo, huwag kayong magsalita nang magsalita gaya ng ginagawa ng mga pagano; naniniwala nga sila na mas pakikinggan sila kung marami silang sinasabi. Huwag kayong tumulad sa kanila. Alam ng inyong Ama ang mga pangangailangan ninyo bago pa man kayo humingi. Kaya ganito kayo manalangin: Ama naming nasa Langit, sambahin ang Ngalan mo, dumating ang kaharian mo, sundin ang loob mo dito sa lupa para nang sa Langit. Bigyan mo kami ngayon ng aming kakanin sa araw-araw, patawarin mo ang aming mga pagkakautang gaya ng pagpapatawad namin sa mga nagkakautang sa amin. Huwag mo kaming dalhin sa tukso, at iligtas mo kami sa masama. Kung patatawarin ninyo ang mga nagkasala sa inyo, patatawarin din kayo ng inyong Amang nasa Langit. At kung hindi ninyo patatawarin ang mga nagkasala sa inyo, hindi rin kayo patatawarin ng inyong Ama.”

Pagninilay:

“Keri” mo pa ba? Anyare?  Countless na ba ang questions mo na walang sagot? Narito na ang answer. The Lord’s Prayer.  Ano man ang pinagdaraanan natin, nakalatag sa atin ngayon ang panalangin ng pag-asa. Ito ang panalangin ng pakikipag-ugnayan natin sa ating Diyos Ama. Inilapit ng ating Hesus Maestro ang ating puso sa puso ng Diyos Ama. Sa pagpapakilala sa atin na Siya ang Amang kabanal-banalan at makapangyayari, wala tayong tamang malalapitan kundi Siya. Pinalalawak rin ng ating Hesus Maestro ang ating pang-unawa na dahil ang Ama ay Sumasalangit, ang Kanyang tugon ay hindi batay sa pansarili nating kagustuhan at sa lumilipas na ibinibigay ng mundo. Kaya bilang mga anak ng ating Ama at kapatid ng ating Hesus Maestro, tinututuruan tayong manatiling maging malakas laban sa hindi pagkaka-unawaan, sa panghuhusga na walang pruweba, at sa mapahamak na dulot ng masama. Ganundin ang maging malakas sa kakayanang humingi ng tawad, magpatawad, at umiwas sa masama. Kaya give hope a chance. Narito si “Luce”. Italian ito ng Light o Ilaw. Simbolo siya ng Ningas ng Pag-asa. Pinapaningas Niya ang ating pananampalataya sa Diyos Ama. Simbolo rin Siya ng pag-akay sa atin ng ating Hesus Maestro sa ating lakbay buhay tungo sa Ama. Kaya’t kapanalig, sa pagsambit mo ng Ama Namin, sa tulong at gabay ni “Luce” umasa ka na maiiba ang pagtanggap mo sa kinakaharap mo ngayon. Promise!