Daughters of Saint Paul

Marso 12, 2025 – Miyerkules sa Unang Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda

Ebanghelyo: Luke 11: 29-32

Nang dumadagsa na ang mga tao, nagsimulang magsalita si Jesus: “Masamang lahi ang lahing ito; humihingi ito ng palatandaan subalit walang ibang palatandaang ibibigay dito kundi ang palatandaan ni Jonas. At kung paanong naging palatandaan si Jonas para sa mga taga-Ninive, gayundin naman ang Anak ng Tao para sa mga tao sa kasalukuyan. Sa paghuhukom, babangon ang Reyna ng Timog kasama ng mga lalaki ng lahing ito at hahatulan sila. Sapagkat dumating s’ya mula sa kabilang dulo ng mundo para masaksihan ang karunungan ni Solomon. Sa paghuhukom, babangon ang mga lalaking taga-Ninive kasama ng salinlahing ito at hahatulan nila ito dahil nagbalik-loob sila sa pangangaral ni Jonas; at dito’y may mas dakila pa kay Jonas.”

Pagninilay:

Para sa mga deboto, marahil isa sa mga pangkaraniwang gawain ay humingi ng isang tanda o “sign” na matutupad ang kanyang mga panalangin. Halimbawa, sa mga deboto ni St. Therese of the Child Jesus, ang hinihinging tanda ng katuparan ay isang rosas; sa iba naman ay mga kakaibang tanda, tulad ng biglaang pag-ulan sa kainitan ng araw o mga iba pang simpleng kaganapan. Ang mahalaga ay ating mabanaag ang pagkilos ng Diyos sa ating pang-araw-araw na buhay. Ngunit minsan, ang tanda ng presensya ng Diyos ay nagiging hadlang upang makadaupang-palad ang Diyos!

Nakakatawa ang tagpo ng Mabuting Balita ngayon. Ang mga tao ay lumapit kay Hesus para humingi ng tanda na Siya na nga ang Mesiyas na pinakahihintay nilang Tagapagligtas. Hindi nila nakikita na si Hesus mismo ang tanda ng pag-ibig ng Diyos at hindi ang mga kababalaghang ginagawa niya!

Minsan, sa ating paghahangad ng katuparan ng ating panalangin, nakapokus tayo sa hinihingi natin at hindi sa Diyos na nagmamahal sa atin. Kung ibinigay ng Diyos Ama ang Kanyang Anak, ano pa kaya ang hindi ipagkakaloob ng Diyos sa atin? Ano pa ba ang kakailanganin natin kundi ang maunawaan ang katotohanang na mahal na mahal Niya tayo, may tugon man o wala sa ating mga hinihingi? Mga kapanalig, tayo ba ay mga Haring Herodes na hanap lamang ang mga kababalaghang dulot ni Hesus o tayo ba ay katulad ng tatlong Haring Mago na ang tanging hanap ay si Hesus? Ngayong Kuwaresma, hliingin natin ang biyaya ng isang makabagong pananaw upang mabanaag natin lagi si Hesus sa lahat ng pangyayari sa ating buhay.