Daughters of Saint Paul

Oktubre 14, 2016 BIYERNES Ika-28 na Linggo sa Karaniwang Panahon / San Calixto I, papa at martir

Lk 12:1-7

Nang magkatipon ang libu-libong tao hanggang magkatapakan na sila, sinimulang sabihin ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Mag-ingat kayo sa lebadura ng mga Pariseo, na walang iba kundi ang pagkukunwari.

Walang tinatakpan na hindi mabubunyag, walang natatago na hindi malalaman.     Kaya naman ang sinabi n’yo sa dilim, sa liwanag maririnig; at ang ibinulong n’yo sa mga kuwarto, sa bubungan ipahahayag.

Sinasabi ko naman ito sa inyo na mga kaibigan ko: huwag n’yong katakutan ang mga nakapapatay sa katawan at wala nang magagawang anuman.  Ituturo ko sa inyo kung sino ang dapat n’yong katakutan: matakot kayo sa may kapangyarihang pumatay at may kapangyarihan pang magbulid sa impiyerno.   Oo, sinasabi ko sa inyo ito ang katakutan n’yo.  Hindi ba’t ipinagbibili nang dalawang pera ang limang maya?  Ngunit isa man sa kanila’y di nalilimutan sa paningin ng Diyos. Bilang na pati ang lahat ng buhok sa inyong ulo. Huwag kayong matakot; mas mahalaga kayo kaysa maraming maya.”

REFLECTION

Mga kapatid, hindi lingid sa ating kaalaman ang mga pangyayari sa ating kapaligiran ngayon.  Samu’t saring pangyayari na nagdudulot ng takot at pangamba.  Kagaya ng summary killings na nababalitaan natin araw-araw dulot ng malawakang operasyon laban sa droga, ang mga banta ng pagpasabog lalo na sa matataong lugar, katulad ng nangyari sa Davao kamakailan, ang paglaganap ng zika virus, dengue at iba pang sakit na nakamamatay, at ang mga kalamidad na tumatama sa ating bansa.  Dagdag pa diyan ang mga aksidente sa lansangan, karagatan at himpapawid na ikinasawi ng maraming tao.  Kung iisipin nating mabuti ang mga pangyayaring nabanggit – talaga namang hindi maalis sa atin ang matakot, mangamba, at magtanong bakit hinayaan itong mangyari ng Diyos? Maaaring sa kanila ito nangyari ngayon, posibleng mangyari din ito sa atin bukas.  God forbid!  Pagpapatunay lamang ito na hindi talaga natin hawak ang ating buhay at pagkilos.  Mga kapatid, sa gitna ng mga kalamidad, karahasan, karamdaman at aksidenteng ating nararanasan – malinaw ang pahayag ng Panginoon, “huwag nating katakutan ang mga nakapapatay sa katawan, sa halip, matakot tayo sa may kapangyarihang pumatay at magbulid sa atin sa impiyerno.”  Isang panawagan itong maging laging handa sa ating pakikipagharap sa Panginoon – dahil tunay na di natin nalalaman ang mangyayari sa ating buhay.  Bawat sandali ng ating buhay hiram sa Diyos.  Huwag sana nating sayangin ang pagkakataong makagawa ng mabuti, makapagpatawad at humingi ng tawad, at mapagsisihan ang mga kasalanan – bago maging huli ang lahat.