Ebanghelyo: MATEO 21: 33-43, 45-46
Sinabi ni Hesus sa mga Punong-pari at mga Matatanda ng mga Judio: “Makinig kayo sa isa pang halimbawa; May isang may-ari ng bahay na nagtanim ng ubasan, binakuran ang paligid nito, humukay para sa pisaan ng ubas, at nagtayo ng toreng bantay. Pinaupahan niya ang ubasan sa mga magsasaka at naglakbay sa malayo. Nang malapit na ang panahon ng anihan, pinapunta ng may-ari ang kanyang mga katulong sa mga magsasaka para kubrahin ang kanyang bahagi sa ani. Ngunit sinunggaban ng mga magsasaka ang kanyang mga katulong, binugbog ang isa, pinatay ang iba at binato ang ilan. Nagpadala uli ang may-ari ng marami pang katulong subalit ganoon din ang ginawa ng mga magsasaka sa kanila. Sa bandang huli, ipinadala na rin niya ang kanyang anak sa pag-aakalang ‘Igagalang nila ang aking anak.’ Ngunit nang makita ng mga magsasaka ang anak, inisip nilang ‘Ito ang tagapagmana. Patayin natin siya at mapapasaatin ang kanyang mana.’ Kaya sinunggaban nila siya, at inilabas sa ubasan at pinatay. Ngayon, pagdating ng may-ari ng ubasan, ano ang gagawin niya sa mga magsasaka?” ‘Hindi niya kaaawaan ang masasamang taong iyon. Pupuksain n’ya ang mga iyon at pauupahan ang ubasan sa ibang magsasakang magbibigay ng kanyang kaparte sa anihan.’” At sumagot si Hesus: “Hindi n’yo ba nabasa sa kasulatan? ‘Naging panulukang bato ang tinanggihan ng mga tagapagtayo. Gawa ito ng Panginoon; at kahanga-hanga ang ating nakita.’ Kaya sinasabi ko sa inyo: aagawin sa inyo ang Kaharian ng Diyos at ibibigay sa isang bayang makapagpapalago nito.” Nang marinig ng mga Punong-pari at mga Pariseo ang mga talinhagang ito, nauunawaan nila na sila ang pinatutungkulan ni Hesus. Huhulihin na sana nila s’ya, ngunit natakot sila sa mga tao na kumikilala sa kanya bilang Propeta.
Pagninilay:
Narinig natin sa Mabuting Balita ngayon kung paanong matapos ang pagtatanim at pagsasaayos ng taniman, ay pinaupahan ito ng may-ari ng lupa sa mga magsasaka. Nagtiwala ang may-ari sa nangungupahan. Nang dumating ang panahon ng pitasan ng ubas, pinapunta ng may-ari ang kanyang mga tauhan upang kunin ang kanyang bahagi sa ani. Subalit binato at pinatay ang mga isinugo ng may-ari ng lupa.
Kapanalig, mahalaga sa tao ang magkaroon ng magandang relayon sa kanyang kapwa. Kailangan ang katapatan at paggalang sa bawat isa. Tulad tayo ng mga magsasaka sa taniman ng Panginoon. Marapat lang na sumunod tayo sa kalooban ng Diyos at gawin ang ating responsibilidad. Sikapin nawa nating maging tapat sa ating kasunduan sa Panginoon.
Manalangin tayo: Mahal na Panginoon, binigyan Mo kami ng pagkakataong makiisa sa iyong mga gawaing pagliligtas. Ipagkaloob n’yo po na maging tapat kaming katiwala sa iyong bukirin. Amen.